Ni Girald Gaston

PHOTO: GMA Sports

Nadagdagang muli ang Pilipinong kumagat sa oportunidad na mangibang bansa, dala ang kanilang gilas at bandera ng Pilipinas.

Nakatakda nang maglaro ang national team spiker na si Jao Umandal sa Bahrain upang hirangin bilang ikatlong miyembro ng Philippine National Men’s Volleyball team na papalo sa ibang bansa bilang isang import. 

Sa anunsiyong inilabas ng Virtual Playground na siyang humahawak sa kanyang karera, nakatakdang umalis ng bansa si Umandal ngayong Biyernes upang samahan ang kanyang koponan na Bani Jamra, na siya ring nilaruan ni Marck Espejo noong 2020. 

"Joshua Umandal departs today to Bahrain as he is chosen to play for Bani Jamra Volleyball Club. Goodluck Joshua Umandal!" saad sa anunsiyo.

Magtatagal nang dalawang buwan si Umandal sa Bahrain upang pangunahan ang Bani Jamra sa pagkuha ng kampeonato sa Isa bin Rashid Volleyball League. 

Kahit nagdesisyong lisanin ang Pilipinas nang pansamantala, nananatili pa ring tuon ang atensyon ng dating UST standout sa National Team at sinabing sasaling muli sa ensayo kapag nagpatuloy na ito.

Matatandaang bihira lamang na nagamit si Umandal sa national team sa una nitong pagsalang sa 2019 SEA Games, ngunit namituin ito noong nakaraang taon nang akayin ang Pilipinas sa 9th place finish sa 2021 Asian Men’s Volleyball Club Championship. 

Sinamantala ng dating Tiger spiker ang pagkawala ng serbisyo nina Marck Espejo at Bryan Bagunas noong AVC Club Championship, kaya’t umariba ito sa buong patimpalak at pumukaw sa atensyon ng mga scout sa ibang bansa.

Sumunod ang 22-year-old star sa yapak nina Espejo at Bagunas, na kasalukuyang gumagawa ng ingay sa Japan V-League para sa FC Tokyo at Oita Miyoshi.