Young-led Hawks humagibis sa 4th, tinapos ang losing streak kontra Bucks sa MLK Day
By Jonheethan Ken Bajo
Muling nangomportable sa kanilang pugad ang Atlanta Hawks nang tuldukan ang 10-game home losing streak nito sa 121-114 pamamayagpag kontra 5th-seeded Milwaukee Bucks, sa pangunguna ni Trae Young at sa bisa ng team-orchestrated 25-8 fourth quarter surge nitong Martes (PST).
Tumirada ng 15 sa kabuuang 30 puntos si Young sa huling yugto upang tulungan ang Hawks na hindi na muling mapahiya sa State Farm Arena, kasama ng swabeng pulso sa charity stripe na may 14/14 at 11 dimes. Bago pa man tumunog ang last two minute warning, pumukol ng 26-footer na tres si Young para siguruhing hawak na ng Hawks ang manibela ng clutch time tangan ang 111-105 bentahe. Kontrolado ng 23-year old guard ang tiyempo ng last period nang maghatid ito ng tig-isang importanteng assist kay Onyenka Okongwu sa pagkagat ng 1:32, at De'Andre Hunter na may nalalabi pang 26.3 segundo na siyang nagsemento sa komportableng pagitan na 115-109. Kinumpleto ng Hawks ang kampanyang 25-8 sa huling anim na minuto, sa tulong ng timely 3's nina Danilo Gallinari at Kevin Huerter, maging defensive stops at inside scoring nina Okongwu at Hunter. “Hopefully this is a good turning point for us to string together some wins,” ayon kay Young. Matatandaang noong Nobyembre 22 ang huling home victory ng koponan, at nataong natapat pa sa kaarawan ng kanilang tanyag na kababayan na si Martin Luther King Jr., isang civil rights leader —na nagbigay udyok sa Hawks upang hindi muling malasap ang franchise record na 11-game losing streak, bagamat nananatili sa 12th seed na may 18-25 kartada. Nagsimula ang nasabing init na ito nang mabaon sa ika-14 na puntos ang Hawks, at nagtapos ang first half sa (62-50), habang nanatili ang Bucks na panghawakan ang bentahe hanggang sa mga unang minuto ng huling canto. Bagaman kinapos ang Bucks, naglista ng season-high 34 points si all-star wingman Khris Middleton na may seven boards, at four assists, habang tumipa si reigning finals MVP Giannis Antetokounmpo ng 27 markers, tig-anim na dimes at boards. Kasalukuyang may 27-19 kartada ang defending champs na nakaupo sa ikalimang puwesto sa mas competitive na Eastern Conference, makaraang dumausdos ang apat sa huling limang laro nito. TIP-IN: Pinaso ng two-time all star shooting guard Devin Booker ang 12th-seeded San Antonio Spurs sa talang 121-107, makaraang pumoste ng season-high 48 points, at ihatid ang apat na sunod-sunod na panalo ng Phoenix Suns sa AT&T Center, San Antonio Texas. Kalakip ang masinop na 18/33 field-goal shooting at limang pukol sa labas, inakay ng 25-year old NBA star ang Suns sa ikatlong panalo nito kontra sa Spurs sa ikatlong paghaharap ngayong season, na siyang nag-angat sa koponan sa solidong liderato sa Western Conference Standings. Bunga ng panalong ito, sumulong sa 17-4 ang kanilang kartada sa bahay, at ang kabuuang 34-9 win-loss record habang patuloy ang ratsada dala ng kanilang ikapitong panalo sa walong bakbakan. Tumungtong naman si Booker sa ikalimang puwesto bilang may mataas na season-high in points, kasama sina Trae Young (56), Kevin Durant (51), Stephen Curry (50), at Anthony Edwards (48). Bagama't nagawang bigyan ng 12-point deficit ang Suns, kinapos pa rin ang Spurs na tapusin ang laban sa kanilang pabor. Nanguna sa Texas-based squad si Jakob Poetl na may impresibong double-double performance 23 markers, at 14 boards sa swabeng 9-for-12 field goal shooting, habang may limang manlalaro ang Spurs na naka-double figures na sina Dejounte Murray (18), Doug McDermott (15), Derrick White (14), Keldon Johnson (14), at Devin Cassel (10). |