Hawks nagpaulan sa tres, niresbakan ang Pacers; Morant, Grizzlies patuloy ang ratsada sa West
By Johnheetan Ken Bajo
PHOTO: AP Photo/John Bazemore |
Matapos ng maalat na tirada sa tres kontra Dallas, pumukol ng polidong 17-for-33 sa labas ng arko ang Atlanta Hawks upang kalusin ang bagong bihis na Indiana Pacers, 133-112 ngayong Miyerkules sa Phillips Arena (Manila Time).
Namuno sa kampanya ng kasalukuyang 10th seed ng Eastern Conference ang all-star point guard na si Trae Young nang kumayod ng 34 points at 11 assists samahan pa ng 6-for-9 sa tres na may kabuuang 65% field goal shooting.
"I had missed my last 10 before this one, so to make my first two felt good," wika ni Young matapos bumawi ito sa pagkakabokya sa tres kontra Mavs nitong Lunes.
Kaakibat ng panalong ito, binura ng Hawks ang kanilang dalawang sunod na talo sa larong kumana sila ng season-high 51.5% na banat sa labas — malaking lundag sa 25% (5-for-25) sa nakaraang bakbakan.
Sa kabila ng bagong balasa ng trades, tumindig si rookie Chris Duarte nang pangunahan ang Pacers tangan 25 puntos, habang solid na all-round performance ang ipinamalas ni Veteran Lance Stephenson dala ang 24-9-8 para sa unang start nito.
Kahapon lamang inilatag ng koponan ang six-player deal sa Kings, pinakawalan ang kanilang ace player na si two-time all star Domantas Sabonis, at ang dalawang role players upang makuha sina Tyrese Haliburton, Buddy Hield, at Tristan Thompson.
“It’s an exciting trade and it changes the landscape significantly,” ani Pacers coach Rick Carlisle.
Para naman sa Western Conference, tumantos ng ikasiyam na 30-point output sa huling sampung laro si Ja Morant upang pangunahan ang dominadong panalo ng Memphis Grizzlies kontra Los Angeles Clippers, 135-109, sa FedEx Forum kanilang bahay.
Kinailangan lang gumugol ng 26 minuto ng seventh best leading MVP candidate, para kumulekta ng 30 puntos kaakibat ang 12-of-19 tirada sa field na pinaganda pa ng 7 boards, at 5 dimes.
Naging susi ng Grizzlies ang kontrol sa rebounding department, sa bisa 55-40 palitan, at ang hagupit nito sa painted area, 78-46 — kaya't nagawa nitong palasapin ang Clippers ng 34 puntos na pinakamalaking kalamangan at hindi na pinabangon pa.
Umagapay si Jaret Jackson sa kampanya ng Memphis bitbit ang 26 puntos at 11 rebounds, samantala 18 puntos ang kinamada ni Brandon Clarke.
Nanguna para sa Clippers si Isaiah Hartenstein na umiskor 19 puntos bilang reserve center, habang umani ang bagong Clipper na si Norman Powell ng 16 — tig-14 puntos naman ang tinrabaho nina Terance Mann at Robert Covington.
Bunga ng panalo, nananatiling kumportable ang upo ng Memphis sa 3rd Spot ng Western Conference na may 7.0 game behind sa Phoenix sa 1st spot , at may alagwang 4.0 GB sa 4th placer na Utah. Sa kabilang banda, kritikal ang puwesto ng Clippers sa 8th seed na may 27-29 win-loss record.
TIP-INS:
Nananalasa ang Dallas Mavericks kontra Detroit Pistons nang idiskaril ito sa basbas ng 116-86, pagkakalubog mula sa kumpas ni Luka Dončic na pumoste ng 33 points at 11 assists.
Tinimon ng second best leading candidate ng MVP Race na si Nikola Jokič ang Denver Nuggets tungo sa impresibong panalo kontra New York Knicks, 132-115.
Nangibabaw ang sophomore shooting guard na si Cole Anthony nang angklahan ang panalo ng Orlando Magic ng 23 puntos kontra Portland Trailblazers, 113-95.