Ni Rodolfo Dacleson II 
PHOTO: AP

Isinalba ng free throws ni Kevin Love ang Cleveland Cavaliers matapos lusutan ng kanilang koponan ang Charlotte Hornets, 102-101, at panatilihin ang kapit nila sa magandang posisyon sa Eastern Conference, Sabado (Manila time). 

Itinala ni Love ang 22 sa kanyang 25 points sa second half, tampok ang dalawang charities sa nalalabing 1.2 segundo ng fourth quarter upang tulungan ang Cavs na makatabla sa third spot sa East, kasama ang defending champion Milwaukee Bucks na may 32-21 win-loss kartada. 

Nagpasiklab din si center Jarrett Allen na humataw ng career-high 29 points at 22 rebounds upang maipagpag ng Cavaliers ang Hornets na bumagsak sa ikatlong sunod na pagkakataon para sa 28-25 marka. 

Muntik pang makasilat ang Charlotte dahil sa kakaibang tawag ng mga referee sa natitirang 4:44 minuto matapos nitong tawagan ng technical foul si Cleveland reserve Ed Davis dahil sa di umano'y interference nito kay Terry Rozier sa sidelines. 

Iginawad ng court officials kay Rozier ang mintis niyang three-point attempt bukod pa sa technical free throw na kanya namang siniguradong papasok sa basket. 

Mula rito, naagaw ng Charlotte ang kalamangan sa nalalabing 47 segundo, 101-98, sa likod ng three-pointers nina P.J. Washington at Kelly Oubre Jr. 

Gayunpaman, binaligtad ng Cavaliers ang sitwasyon sa basket ni Allen at kontrobersyal na free throws ni Love sa end game.

Sumubok ng alley-oop sina Gordon Hayward at Miles Bridges ngunit tumama sa rim ang inbound pass ng una dahilan upang tuluyang mapasakamay ng Cleveland ang makapigil-hiningang tagumpay. 

Hindi naging sapat ang kinamadang 24 points ni Rozier, kasunod ang 21 ni Kelly Oubre Jr. para sa Hornets na bigong makumpleto ang comeback win matapos mabaon ng 17-point deficit, 84-67, sa final frame. 

Sa Dallas, inirehistro ni Slovenian superstar Luka Doncic ang kanyang ika-44 na career triple-double sa paglista ng 33 points, 13 rebounds at 15 assists upang dalhin sa 107-89 pananaig ang Dallas Mavericks laban sa Philadelphia 76ers.

Ito na ang ikawalo ni Doncic sa regular season upang maungusan sa all-time triple-double leaders list si Fat Lever at okupahan ang 10th spot. 

Naantala man ng 44 minuto ang laro sa first quarter dahil sa bumalikong ring, hindi nito napigilan ang pag-alagwa ng Mavericks upang tapusin ang kanilang two-game losing skid. 

Nagdagdag si Reggie Bullock ng 20 points habang tumikada naman ng 19 markers si Jalen Brunson para sa panig ng Dallas. 

Zone defense ang naging armas ng tropa ni Jason Kidd kasabay ang dominanteng second half scoring upang makabalikwas mula sa 63-53 pagkalubog noong halftime at tabunan ang 27-point, 13-rebound performance ni Joel Embiid—ang kanyang ika-23 double-double ngayong season. 

Nasayang din ang 18 ni Tyrese Maxey sa kabila ng kawalan ng big men ng Dallas kina Kriztaps Porzingis at Maxi Kleber na kapwa may injuries. 

Tip Ins:
Dumiretso sa kanilang ikalimang dikit na ratsada ang Toronto Raptors nang balian ng pakpak ang Atlanta Hawks, 125-111, sa pamumuno ni Pascal Siakam na tumabo ng 33 points kasunod ang 26 ni Fred VanVleet.

Nagposte ng 36 points at 17 rebounds si Nikola Vucevic, habang nag-ambag naman si DeMar DeRozan ng 31 markers at ginitla ng Chicago Bulls ang Indiana Pacers, 122-115, para sa kanilang ikaapat na panalo sa huling anim na asignatura. 

Pinalawig ng Utah Jazz sa pitong laro ang losing streak ng Brooklyn Nets sa bisa ng 125-102 demolisyon sa pagbira ni Donovan Mitchell ng 27 points, kabilang ang anim na tres.

Nagpasabog ng 28 points si Keldon Johnson upang gabayan ang San Antonio Spurs sa 131-106 pagdurog sa kapwa Texas-based team Houston Rockets. 

Naghulog naman ng 24 points sa loob ng 28 minuto si Jayson Tatum upang mamituin sa 102-93 pamamayani ng Boston Celtics kontra Detroit Pistons at ibigay sa kanyang koponan ang ikaapat na dikit nitong panalo. 

Ginulantang ng New Orleans Pelicans ang Denver Nuggets, 113-105, sa gabay ni Herbert Jones na hinugot ang 18 sa kanyang 25 points sa final period katuwang si Brandon Ingram na may 23 markers at 12 assists. 

Bumida si Lu Dort sa 96-93 pagpapabagsak ng Oklahoma City Thunder sa Portland Trailblazers nang magsalansan ito ng 23 points tungo sa una nitong three-game winning streak mula Disyembre. 


Iniwasto ni Kyla Balatbat