Mamang Sorbetero ng Belgium, kilalanin!
Ni Daniel Enrico Chua
PHOTO: Business News Philippines |
Ipinamalas ng isang pastry chef mula sa Belgium ang kanyang husay sa paggawa ng "Dirty Ice Cream" o kilala bilang "sorbetes" sa pamamagitan ng paglalako nito na may tatak-Pinoy na flavors na patok sa mga Belgians sa halagang €8 o ₱460.
Kinilala ang Mamang Sorbetero ng Belgium na si Jelle Bories, may-ari ng negosyong "Sorbetes ni Manong Jelle" na itinaguyod din sa tulong ng kanyang asawang si Kamille Rodriguez-Bories.
"We try to introduce new flavors of ice cream, good combinations. I think Pinoy flavors try to mix flavors with each other like salty and sweet, sour-sweet. We have Durian, we have guyabano, we have Filipino mango, we have ube, halo-halo. The Belgians are really surprised by the flavor of ube," ayon kay Bories.
Kay Kamille din niya natuklasan ang paggawa ng sorbetes nang hikayatin siya ng nars noong 2019 na gumawa nito, na kalaunan ay napagkakitaan na rin nila matapos kumbinsihin ng mga kaibigan at kapamilya na magnegosyo nito roon.
"I asked him to make me a Filipino-inspired ice cream. At first ang pinakaunang ginawa po namin is durian, and nagustuhan ko naman, and then after noon nag-request ako ng ube, and then nag-request ako ng mangga,” paliwanag ni Kamille.
Gayunpaman, natutuwa ang magkasintahan sa kanilang kinikita dahil hindi lamang ito nakatutulong sa kanila, naipapamalas pa nito ang ilang bahagi ng kulturang Pilipino pagdating sa pagkain.
“Happy ako na in-adapt niya para ma-promote rin ang ating Filipino culture and tradition sa mga kababayan niya ritong Belgian," dagdag pa niya.
Iniwasto ni Kaela Gabriel