Ni Jea De Pablo

PHOTO: ABS-CBN News

Napatalsik sa loob lamang ng 20 segundo si Filipino-American Alpine skier Asa Miller matapos itong bumulusok sa kanyang first run, dahilan upang makapagtala ito ng "Did Not Finish" o DNF sa 2022 Beijing Winter Olympics Giant Slalom, nitong Linggo sa Yanqing National Alpine Skiing Centre.

Ani Miller sa kanyang social media post, sumabak naman siyang handa ngunit bigo pa ring makatapak sa ikalawang bahagi  ng laban. Naging masaya naman ito sa oportunidad na ibinigay sa kanya.

"Went out charging, sadly no Run 2 for me today. Ski racing’s tough like that, but I’m grateful for the opportunity to be out here,” saad pa ni Miller.

Pahayag naman ng kanyang American Coach na si Will Gregorak, ipinagmamalaki pa rin niya ang Fil-Am Alphine Skier dahil sa pagpupursiging ipinamalas nito.

"I’m still proud of him, he still put out the work. Like I said, he didn’t go out to finish. That’s the nature of the sport, that’s what could happen," ani Gregorak.

Kabilang si Miller sa 33 skier na napako sa kanilang first run habang  54 sa 89 manlalaro lamang ang nakaabante sa ikalawang takbo.

Bilang nag-iisang Pinoy na sumasabak sa Winter Olympics, may pagkakataon pang humirit si Miller sa Slalom event sa darating na Miyerkules, Pebrero 16.

Huling lumarga sa 70th place si Miller sa Pyeongchang Games na ginanap sa Korea makaraan ang apat na taon.