Miller nagbakas ng 2nd DNF, Olympic journey nagwakas
Ni Cyrus Jacinto
PHOTO: ABS-CBN |
Nagtapos ang Olympic campaign ng lone Filipino delegate na si Asa Miller sa 2022 Winter Olympics sa isa pang DNF (did not finish) nang bigo nitong maitawid ang Men’s Slalom event upang mapatalsik sa nasabing kompetisyon, Miyerkules, sa Yanqing National Skiing Centre.
Matagumpay niyang naitagpos ang skiing obstacle sa unang 30 segundo, ngunit gumuho rin ang kaniyang momentum matapos bumulusok sa river course, hudyat upang bigyang-tuldok ang kaniyang Olympic journey.
Unang nakapagrehistro si Miller ng DNF sa Giant Slalom nitong nakaraang linggo, na siya ring nagbara sa kaniyang planong makatungtong sa susunod na lebel ng Skiing event.
”While I’m walking away without any results, I’m happy with some my skiing this week in some tough conditions.”, wika ni Miller sa kaniyang Instagram account matapos ang laban.
Matatandaang ito ang pangalawang pagkakataon ni Miller na sumabak sa Olympic stage, na siyang isa sa dalawang Filipino athletes na maging two-time winter Olympian kasama ang figure skater na si Michael Martinez.
”Well my second Olympics are over and things didn’t quite go my way.”, ani ng 21 year-old Alpine skier, Miller.
Samantala, isa si Miller sa 34 out of 88 Alpine skiers na hindi pinalad makalusot sa Second run ng patimpalak.
Ani pa ni Asa, siya’y dadalo at magbabalik sa closing ceremony ng quadrennial meet na gaganapin sa ika-20 ng Pebrero, sa National Stadium.