Suns, pinalamig ng 43 ni Young; Warriors, umotso-diretso kontra Kings
Ni Rodolfo Dacleson II
PHOTO: The Associated Press |
Nagtala ng game-high 43 points si Trae Young upang pamunuan ang matikas na 124-115 pananaig ng Atlanta Hawks kontra sa NBA league leader Phoenix Suns, Biyernes (Manila time) sa kanilang pugad sa State Farm Arena.
Ginisa nina "Ice Trae" at bataan ni head coach ang kalaban sa ikawalo nitong tagumpay sa huling siyam na laban, tampok ang anim na three-pointers, at pagputol sa 11-game winning streak ng bumibisitang tropa ni Monty Williams.
Nagdagdag naman si Kevin Huerter ng 19 points mula sa limang triples habang nakapag-ambag din si John Collins ng 19 bago lisanin ang laro sa nalalabing 1:49 minuto ng fourth quarter matapos ang isang hand injury.
Nagsilbing pamatay-sunog ng Atlanta ang kanilang mainit na three-point shooting sa pagsalpak ng 20 tres upang pigilan ang lahat ng pagtatangka ng Phoenix, magmula nang makuha nila ang liderato sa bisa ng 15-4 run sa second period.
Bumida sa nasabing yugto si Huerter na bumira ng apat sa 11 three-point shots ng Atlanta sa first half tungo sa pagtapos sa unang 24 minuto ng laro bitbit ang 64-61 kalamangan.
Inirehistro ni Young ang ika-20 at huling triple ng Hawks sa natitirang 37 segundo upang selyuhan ang kanilang pangingibaw laban sa Suns na lumagapak sa 41-10.
Nasayang lang ang pinagsumikapang 32 at 18 points nina 2022 All Star reserves Devin Booker at Chris Paul, gayundin ang 24 markers ni Mikal Bridges para sa Phoenix.
Sa San Francisco, tumipa ng 23 points si Klay Thompson, kabilang ang anim na three-pointers, upang pagbidahan ang 126-114, pagpapataob ng Golden State Warriors sa Sacramento Kings.
Pumukol ng tatlong magkakasunod na triples si Thompson sa pagsisimula ng second quarter upang tulungan ang Warriors na makapagtatag ng 18-point lead, 43-25.
Mula rito, hindi na nilingon pa ng Golden State ang Sacramento, at bigong masundan ang impresibo nitong 112-101 pamamayani, katipan ang Brooklyn Nets, upang palawigin sa walong laro ang kanilang pamamayagpag sa liga.
Kumamada ng 20-point, seven-assist output si Stephen Curry habang naglista naman ng 12 puntos si Andrew Wiggins para sa Warriors.
Nanguna sa hanay ng Kings si Davion Mitchell tangan ang 26 points kasunod ang 25 ni Harrison Barnes.
Tip Ins:
Naisahan ng Los Angeles Clippers ang Los Angeles Lakers, 111-110, sa pagbandera ni Reggie Jacskon na kumolekta ng 25 points at siyang kumana ng game-winning basket mula sa isang driving layup sa huling apat na segundo.
Nakaeskapo ang Toronto Raptors sa Chicago Bulls sa overtime, 127-120, sa gabay ni Pascal Siakam na may 25 points at 13 rebounds habang nagpasiklab din si Chris Boucher nang magsalansan ito ng 16 markers at 10 boards, kasunod ang tig-21 puntos nina Scottie Barnes, OG Anunoby at Fred VanVleet.
Nagposte si Karl Anthony Towns ng double-double 21 markers at 14 rebounds habang tumikada naman ng 25 points si Anthony Edwards upang pangunahan ang Minnesota Timberwolves sa 128-117 pagyupi sa Detroit Pistons.
Nagbaon ng 24 points si Tyler Herro kasabay ang paghataw ni Bam Adebayo na umukit ng 18 markers at kumalawit ng 11 rebounds para sa 112-95 pagtusta ng Miami Heat sa San Antonio Spurs.
Iniwasto ni Kyla Balatbat