Ni John Emmanuell P. Ramirez

PHOTO: Netflix/Rowena Guanzon (Twitter)


Dalawang araw bago tuluyang magretiro, pormal nang inilabas ng Commission on Elections (COMELEC) ang hiwalay na opinyon ni 1st Division Commissioner Rowena Guanzon na pabor sa diskwalipikasyon ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, kung saan komprehensibo niyang nilinaw bakit dapat ma-disqualify ang dating senador.

Sa isang 24-pahinang formal release, iginiit ni Guanzon na saklaw ng moral turpitude—anomang kontra sa hustisya at kabutihan ng moral, na may kasamaan at kasakiman, ayon sa Korte Suprema—ang kapalpakan ni Marcos na mag-file ng income tax returns (ITR) mula 1982 hanggang 1985, at pagtakas umano sa responsibilidad niya bilang public servant.

“One thing is certain: by not filing an income tax return, he deprived the government of the chance to ascertain whether what were withheld correctly corresponded with what he earned,” banat ng komisyoner sa depensa ng kampo na wala raw masamang motibo si Bongbong.

Nabanggit din ni Guanzon sa kanyang separate opinion na mas matimbang ang ebidensiya ng mga petisyoner mula sa Regional Trial Court (RTC) na nagpapatunay na wala umanong record na nag-comply si Marcos Jr. sa pagbabayad ng multang ipinataw sa kaniya.

Ito’y ikinumpara sa resibong dinala ng kampo ni Marcos mula sa Land Bank of the Philippines—na pinagsususpetyahan bunsod ng mga error at erasure—pati na rin ang isang sertipikasyon mula sa Bureau of Internal Revenue – Records and Documentation Office (BIR RDO) na kulang sa spesipikasyon, koneksyon sa attachment, at maski mga seal.

“Between the certification adduced by the Petitioners and a set of documents offered by Respondent (Bongbong) which, unfortunately, provides more questions than answers, the former is certainly far more credible,” ani Guanzon.

“It is therefore not difficult to hold that the scale of evidence tilts in favor of Petitioners,” dagdag pa niya.

Kinorner na Petisyon

Matatandaang nasangkot si Marcos sa serye ng tax evasion nang nahatulan siyang guilty ng RTC noong Hulyo 25, 1995, sa apat na violation na para sa kapalpakan na magsumite ng ITR sa Section 45, at apat pang kaso para sa hindi pagbayad ng deficiency taxes sa Section 50, na parehong mula sa 1977 National Internal Revenue Code (NIRC).

Nakasaad sa naturang RTC Decision na parurusahan dapat siya ng anim na buwang pagkakakulong sa parehong kaso mula 1982 hanggang 1984—noong bise-gobernador pa lamang, at kalauna’y naging gobernador din ng Ilocos Norte—habang tatlong taong pagkakakulong naman sa pareho ring kaso noong 1985.

Umapela naman si Bongbong sa Court of Appeals (CA) at naibinbin ito sa CA-G.R. CR No. 18569, at napagdesisyunan sa CA Decision noong Oktubre 31, 1997 na tanggalin na lang ang mga kaso sa ilalim ng Section 50 at ang parusang pagkakakulong.

Dahil dito, pinabulaanan agad ni Guanzon ang alegasyon ng mga petisyoner na nasentensiyahan si Bongbong nang mahigit 18 buwan na pagkakakulong, sapagkat hindi na ito nakasaad sa CA Decision na itinuturing na pinal.

“Hence, the Commission finds that there is no proof on record that Respondent has ever been sentenced by final judgment to imprisonment of more than eighteen months. On this score, the Petitions must fail,” wika ng komisyoner.

Wala rin daw na naipataw na perpetuwal na diskwalipikasyon ang CA kay Marcos, at hindi rin daw kabilang ang violation sa pagpa-file ng ITR sa Article 73 ng Revised Penal Code, na pinagbabasehan ng mga petisyoner.

“The Commission regrettably is unable to find any legal basis to allow the imposition of the penalty of perpetual disqualification upon Respondent when the same was not imposed to begin with,” sabi niya.

Dispute sa Moral Turpitude

Inalmahan naman ng kampo ni Marcos na sakop ang mga violation ng dating senador, sa moral turpitude disqualification ng Section 12 ng Omnibus Election Code, dahil napatunayan na raw ito sa nakaraang kaso ng “Republic of the Philippines vs. Ferdinand Marcos II and Imelda R. Marcos” na ibinasura ng CA at pinagtibay ng Korte Suprema.

“Moreover, and as admitted by the petitioner, said decision is still pending appeal,” saad sa Supreme Court ruling, “Therefore, since respondent Ferdinand Marcos II has appealed his conviction relating to four violations of Section 45 of the NIRC, the same should not serve as basis to disqualify him…”

Pahayag ng Korte na ginawang batayan ng kampo ni Marcos sa kanilang depensa, “Even assuming arguendo that his conviction is later on affirmed, the same is still insufficient to disqualify him as the “failure to file an income tax return” is not a crime involving moral turpitude.”

Ngunit, ipinaliwanag ni Guanzon na wala namang koneksyon ito sa petisyong kinahaharap ngayon ni Bongbong, sapagkat malinaw na sinabing naibasura lang ang mga petisyon noon dahil ayon sa Korte, inaapela pa lamang ang mga kasong kinahaharap ni Marcos at wala pang pinalidad noong nagpetisyon ang mga Pilipino.

Dahil nga raw isa lang itong obiter dictum—opinyon ng hukom sa isyung inireresolba sa batas, na hindi naman kinakailangan sa determinasyon ng kaso sa harap ng korte—idiniin ng komisyoner na hindi ito sapat na basehan.

Kaugnay nito, kinokonsidera lang din ng kampo ni Marcos na malum prohibitum lamang—opensang hindi natural o nag-ugat sa masama—ang mga kinaharap ni Marcos. 

Umapela naman si Guanzon at nanindigan sa Korte Suprema sa “Dela Torre vs COMELEC and Villanueva” case na sakop pa rin ng moral turpitude ang ganitong uri ng mga kaso.

Nilinaw din niya na sa kasong “IRRI vs NLRC” na inilapag ng kampo ni Marcos, bagamat hindi lahat ng krimen ay kabilang ang moral turpitude, mas higit na kinakailangan ang analisis ng katotohanan at sirkumstansya ng suspek sa akto, upang mapatunayang imoral ito.

“In simpler terms, moral turpitude is a flexible concept; its determination is not restricted to fixed and intransigent straightjacket standards, but is analyzed with due regard to facts and circumstances surrounding the act or omission,” batid ng komisyoner.

Pisil na Ill-Motive

Ayon pa kay Guanzon, mas nabibigyang-linaw lang daw sa paulit-ulit na kapalpakan ni Bongbong na mag-file ng ITR habang may hawak na posisyon sa gobyerno, na hindi ito simpleng “omission” lamang o pagkakamali sa kanyang parte, kundi isang “deliberate and conscious effort to evade a positive duty required by law.”

Sa kanyang pagkapalpak na magbalik ng buwis, seryosong naapektuhan ang BIR sa pagtukoy kung tamang buwis na ang nabayaran, kung kaya’t natagalan pa ng ilang taon bago makabuo ng special audit team ang bureau.

“While it may not have been Respondent’s duty to withhold the tax from his salary, it was certainly his duty to inform the BIR on how much he should pay and to rectify any deficiency between the tax withheld and the tax due,” banat ng komisyoner.

Kung tutuusin, sila na umano ang nagkumpirmang nakatakas siya sa pagbabayad ng 100% ng kanyang income tax noong 1982, 40% noong 1983, 28.7% noong 1984, at 29.2% noong 1985—nangangahulugan para kay Guanzon na talagang nagbenepisyo si Bongbong sa kanyang evasion. 

“Indeed, a single omission may be considered a simple neglect, oversight, or inadvertence; where such omission however has happened four times, and for four consecutive years, the omissions already betray the willfulness of the act,” pahayag ng komisyoner.

Sapagkat mataas na opisyales siya noon na mayroong sariling staff na mag-aasikaso ng mga administratibong bagay, wala rin daw posibleng palusot si Bongbong sa hindi pagpupursigi na mag-comply sa kung anong sinusunod na batas ng lahat, lalo na’t anak pa ng presidente ng Pilipinas.

“Instead of setting a good example for his constituents to emulate, Respondent acted as if the law does not apply to him,” bitiw ni Guanzon. 

“Taken together, all of these circumstances reveal the Respondent’s failure to file his tax returns for almost half a decade is reflective of a serious defect in one’s moral fiber,” aniya.

Bakit Disqualified?

Kahit man daw sakop ng moral turpitude ang kapalpakan ni Marcos, dumepensa ang kaniyang kampo na kuwalipikado pa rin ang presidential bet na tumakbo, dahil nakapagbayad naman sila ng multang ipinataw ng CA.

Kung babalikan, ilan sa mga ipinataw na parusa sa kanya ng RTC Quezon City Branch 105 ang pagbabayad ng multang Php 2,000 sa bawat criminal cases na ipinataw sa hindi pagsumite ng ITR at hindi pagbabayad ng income taxes noong 1982, 1983 at 1984; at ng Php 30,000 sa bawat kasong tax evasion noong 1985.

Ang naturang RTC Decision ay inapela naman ni Bongbong sa CA, kung saan naitaas na lamang sa CA Decision ang Php 2,000 multang ipapataw sa bawat kaso ng kapalpakan na makapag-file ng ITR mula 1982 hanggang 1984; at Php 30,000 naman noong 1985.

Pinatunayan naman ng mga petisyoner na hindi pa nakukumpleto ni Marcos ang sentensya sa kanya, sa pamamagitan ng sertipikasyong inisyu ni Judge Sto. Tomas-Bacud, Officer-in-Charge ng Branch 105.

“As the officer-in-charge of Branch 105, Judge Sto. Tomas-Bacud is certainly privy to the records of the branch and is thus in a position to certify matters that are mandated by the law and the rules to be entered into the records of the court,” pahayag sa COMELEC.

Nakasaad sa RTC Certification ng naturang hukom na walang anumang record ng compliance ni Bongbong sa desisyon ng RTC at desisyon ng CA na parehong itinakda noong Hulyo 27, 1995, at ng Entry ng Criminal Docket ng RTC noong parehong araw.

Matatandaang sa Branch 105 din unang nahatulang “guilty beyond reasonable doubt” sa 1977 NIRC si Bongbong, at sila rin ang naatasang ipatupad ang paghuhukom sa CA-G.R. CR 18569—kung kaya’t inaasahang dito rin sa korteng ito dapat magbayad ang dating senador.

Umamin naman sina Marcos na hindi sila nagbayad ng multa sa RTC, at ipinresenta naman ng kampo ang LBP Official Receipt na nakatakda noong Disyembre 26, 2001, na nagsasaad na nagbayad siya ng Php 67,137.27.

Dito napag-alamang may entry ang resibo patungkol sa isang “lease rental” at wala man lang indikasyon dito sa tunay na layunin ng pagbabayad; hindi rin machine-validated ang resibo, at may napansing pagbubura na nagpapahiwatig ng pagbabago sa date of issuance, na hindi man lang counter-signed ng bangko.

“The fact that the LBP O.R. was purportedly issued by a bank no less, which is expected to exercise extraordinary diligence in the conduct of its business, makes the particular document highly suspect,” diin ng komisyoner dahil sa kawalan ng paliwanag ng kampo ni Marcos.

Bukod pa rito, hindi rin nabanggit sa ipinasa nilang BIR certification na nakatakda noong Disyembre 9, 2021, kung para saan ba ang payment; at mistulang hiwalay pa rito ang Computation of Deficiency Income Taxes and Fines na dapat ay may pormal na attachment ng dokumento at may parehong seal o atestasyon ng parehong mga signatory ng sertipikasyon.

Hindi rin direktang kinaukulan ng BIR certification ang naturang attachment, at nakapagtataka para kay Guanzon na BIR RDO 42 ng San Juan City ang nag-isyu ng dokumento, imbes na Ilocos Norte na residence address ni Bongbong.

Dahil nga nagbayad daw sila sa LBP at hindi sa Branch 105, wala silang naipakitang ebidensya na naihatid ito sa Branch 105, maging anumang proof of payment o dokumentong naglalahad ng pagbabayad sa multa.

“It appears that Respondent inexplicably bypassed RTC Branch 105 altogether in serving his penalty,” wika ni Guanzon, “Thus, I find that to this date, Respondent has yet to satisfy the sentence meted against him in CA G.R. C.R. 18569.”

Palusot na Piyesa

Binigyang-linaw ni Guanzon na matatanggal lamang ang diskwalipikasyon ni Bongbong, kung mapatutunayan nilang nakumpleto na niya ang kaniyang sentensiya, sa ilalim ng Section 12 ng Omnibus Election Code.

Hindi rin dapat gawing asumpsyon na naibasura na ng RTC ang mga compliance record ni Marcos, dahil napatunayan ng sertipikasyon mula sa Branch 105 na wala talagang record sa kanilang korte, at hindi nabanggit na bunsod ito ng pagtatapon nila mismo ng mga dokumento.

“If Respondent truly believes that the Certification was issued on account of the fact that the records have already been disposed, then he should have at the very least obtained a Certification from the RTC to that effect,” paliwanag ng komisyoner.

Sa kabuuan, ang separate opinion ni Guanzon ay nananatiling hiwalay pa sa opinyon ng mga kapwa niyang komisyoner sa dibisyon, at hindi pa lubos malaman kung makaaapekto ba ang opinion at boto ni Guanzon sa magiging resolusyon ng mga petisyon.

“Unfortunately, there is yet no ponencia, no decision as of yet and so the separate opinion of Commissioner Guanzon basically stands alone in this case right now,” wika ni COMELEC Spokesperson James Jimenez sa isang streamed conference.

Siniguro ni Jimenez na mapapabilang sa record ng COMELEC ang opinyon ni Guanzon ngunit hindi pa sigurado kung magiging parte ito ng records ng naturang kaso ng diskwalipikasyon ni Marcos.

“We’re really going to wait for the ponencia because the ponencia will be controlling," aniya.

Edited by Kyla Balatbat