Ni Sebastian Lei Garcia

PHOTO: Sporting Life/BBC

ALIAGA —  Kinamkam ni Robert Thornton ng Scotland ang tropeyo sa 2022 World Seniors Darts Championship makaraang paluhurin si three-time BDO world champion Martin Adams, 5-1, nitong Lunes sa Circus Tavern.

Naging susi ang “double-top” ni Thornton sa huling set upang selyuhan ang kanyang panalo at para hiranging kauna-unahang Worlds Seniors Darts Champion kontra kay “Wolfie” Adams.

Pinaghandaan ni “The Thorn” Thornton ang championship nang maigi matapos pumasok ang siyam na pinakawala niyang 17 “ton 80”, dahilan upang madiskaril ang pangarap ni Adams na idagdag sa kaniyang koleksyon ang tropeyo ng World Seniors Darts.

“Words can’t describe it. I’m looking forward to the next one now, I’m enjoying my darts again," saad ng 54-year-old na si Thornton.

Ngunit sa kabila ng panalo ni Thornton, hindi ito pinadali ni Adams na muntik pang pahabain ang laro matapos i-pantay ang leg sa huling set, 4-1 (2-2). 

Hindi naman ito pinayagan ni Thornton at tinapos na agad ang laban.

“The consistency just wasn’t there tonight, maybe I was a little bit tired,” ani Adams. “Robert always seems to hit a 180 at the right time and they’re the ones that hurt the most,” dagdag pa nito.

Bago makasampa patungong finals, dumaan muna si Thornton sa butas ng karayom nang harapin si Phils Taylor, isang alamat sa larangan ng Darts, at si Bob Anderson na naging World's #1 darts player noong 1980s.

Isinama ni Thornton si Adams sa kanyang mga napatumbang “World’s Greatest” kabilang sina Michael Van Gerwen noong 2015 Grand Prix, 5-4, at si Taylor noong 2012 UK Open, 11-5, na nagbigay-daan din sa kanyang unang PDC Major Cup.

Ibinulsa ni Thornton ang £30,000 (PHP 1.7 milyon) pa-premyo kontra kay Adams.


Iniwasto ni Kyla Balatbat