Totally out of the ordinary’; UniTeam, patuloy ang pag-arangkada sa ‘locals’ — BBM Spokesperson
Ni Alyssa Damole
PHOTO: ABS-CBN News |
Ipinahayag ng spokesperson ni Marcos Jr. at isa sa campaign managers ng UniTeam na si Atty. Victor Rodriguez na maraming local level leaders ang sumasama sa BBM-Sara UniTeam at tinawag itong “totally out of the ordinary”.
Sa digital interview ng ANC kasama si Atty. Rodriguez nitong ika-siyam ng Pebrero 2022, isinaad ng host na si Karen Davila na malakas ang Marcos-Duterte tandem sa NCR at social media ngunit hindi umano tiyak ang suporta mula sa locals.
“Madami nang locals ang sumama sa BBM-Sara UniTeam. In fact, it's a concern–a good concern, but still a concern [dahil] ‘yung magkakatunggali sa local level ay parehong sumasama na sa BBM-Sara UniTeam… And I think ‘yung magandang nangyayaring ito, it’s totally out of the ordinary,” sagot ni Atty. Rodriguez.
Kaniya ring sinabi na mula sa pangyayaring ito, mas naipapakita ang demokrasya sa bansa.
"Ang nangyayari ngayon is from the bottom–up. ‘Yung mga tao na ang nagsasabing, ‘Ito ang gusto namin’, ‘Ito ang kandidato namin’, which is I think, ah, bilang Pilipino, ‘yun naman talaga ‘yung essence ng democracy,” aniya.
Kaugnay nito, inilahad din ni Atty. Rodriguez na hindi madali ang pangangampanya para sa kanilang partido dahil sa mga ‘factor’ na dapat nilang bigyang-pansin para sa campaign scheduling tulad ng pagbabago ng Alert Levels ngayong pandemya.
“Tinitignan namin ‘yung Alert Levels… and that explains ‘yung sakit ng ulo ng campaigning in pandemic. From how I view things, we’re 20 or 21 days behind schedule. ‘Yun lang naman ‘yung challenges, e sanay naman kami sa mga maraming challenges, so okay lang kami,” aniya.