Bolts kinalos ang Terrafirma, back-to-back wins sinilat
Ni: Hynna Marice Gonzales
PHOTO: PBA |
Itinulak ng Meralco Bolts ang Terrafirma Dyip sa bingit ng pagkalaglag sa PBA Governor's Cup matapos itong umukit ng ikalawang sunod na panalo, 107-95, sa Ynares Center Antipolo nitong Huwebes.
Tumirada ng 26 puntos, 11 rebounds ang import ng Meralco na si Tony Bishop upang magtala ng 7th straight double-double na nagpahirap sa pagmamaneobra ng Dyip sa kaumagahan ng laro, 30-26.
Ikinambiyo ni Antonio Hesler ang Dyip na umiskor ng 23 puntos at 17 rebounds, ngunit nasapawan ito ng mainit na entrada nina Cliff Hodge at Bong Quinton na umiskor ng 16 at 11 puntos.
"The loss to Northport was still in our minds. We didn't wanna stumble again," ani Meralco Bolt coach Norman Black matapos ang mapait na sinapit sa sagupaan nila sa Northport Batang Pier.
Sinigurado ng Bolts na hindi makakaharurot ang Dyip matapos kumawala ng 30-19 run sa halftime ng second quarter, 60-45.
Nagpakilala naman sa second half si Allein Maliksi at ang kaniyang 18 puntos, 6 assist, 4 rebounds at 2 steals upang palobohin sa 107-86 ang lamang ng Meralco sa huling 4:40 ng laro.
Humirit pa ang Dyip sa huling 32 segundo ngunit hindi ito pinayagan ng Bolts, 107-95 daan para makuha nila ang ikalawang sunod na panalo.
"We didn't want to stay at the Top 4, so we didn't want to fall today at Terrafirma team" dagdag ni Black.
Umabante sa ikalawang seed ang Meralco Bolts, 6-1, kasunod ang Magnolia Hotshots, habang sumadsad sa 2-6 record ang Terrafirma, na kailangang manalo nang tatlong sunod upang manatili sa Governor's Cup.
Aabangan muli kung masusungkit ng Meralco Bolts ang ikatlong panalo nito kontra sa top 4 seed Alaska Aces sa darating na Pebrero 26.
Iniwasto ni Kyla Balatbat