F2F graduation para sa mga lugar na nasa Alert level 1, 2, pwede na — DepEd
Ni Kier James Hernandez
PHOTO: Bombo Radyo |
Pinahihintulutan na ng Department of Education (DepEd) ang personal na pagdiriwang ng pagtatapos ng mga estudyanteng nasa lugar na Alert level 1 at 2.
Sa isang virtual briefing ngayong Biyernes, inanunsyo ng isang opisyales ng DepEd na nasa mga institusyon ang desisyon kung magdadaos sila nang harap-harapan o birtuwal na graduation.
“Pwede po na maging hybrid face-to-face, pwede rin virtual depende doon sa kalagayan ng kinalalagyan ng mga paaralan nila at sa konsultasyon sa mga magulang at LGUs,” paliwanag ni DepEd Assistant Secretary Alma Torio.
Kung sakali mang magdaos ng harapang graduation ang mga paaralan, bawal ang mga itong mangolekta ng kahit anong kontribusyon o graduation fee. Mahigpit ding pinaalalahanan ang mga paaralan na sumunod sa mga health protocols.
“No DepEd official or personnel shall be allowed to collect any kind of contribution or graduation fee, moving up or even during recognition rites,” ani Torio.
Matatapos ang pasukan ng mga nasa pampublikong paaralan sa Hunyo 24 at maaaring magdiwang ang mga ito ng kanilang pagtatapos mula Hunyo 27 hanggang ika-dalawa ng Hulyo.
Para naman sa mga paaralang kailangang pahabain ang taon dahil sa mga naunang suspensiyon ng klase, ang mga seremonya ay maaaring gawin mula Hulyo 4 hanggang 9 o Hulyo 11 hanggang 16.
Ito ang unang pagkakataon na ang mga personal na end-of-school-year rites ay papayagan mula nang mangyari ang pandemya noong 2020.
Iwinasto ni: Phylline Calubayan