Ni Emmanuel Ramirez

PHOTO: Inquirer.Net

Naninindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na “mga kriminal lamang” ang pinapatay niya sa kanyang administrasyon, kumpara naman sa mga sibilyang pinapaslang ng kanyang “personal na kaibigan” na si Russian President Vladimir Putin na kasulukuyang nangunguna sa invasion sa Ukraine.

Sa isang talumpati sa inaugurasyon ng Leyte Provincial Government noong Huwebes, inamin ni Duterte na kaibigan pa rin niya si Putin, bagamat nalulungkot siya sa mga implikasyon ng giyera ng Ukraine at Russia, at hinihiling na matapos na ang kaguluhan habang nanatiling “neutral” ang Pilipinas dito.

“Si Putin, pinapatay pati civilian doon. Ako? Sino ba pinatay ko? Pinatay ko puro kriminal. Bakit ko pinatay? Sa droga,” saad ng pangulo.

Kamakailan lang, nakapagtala noong Marso 18 ang internasyonal na organisasyon na Action on Armed Violence (AOAV) ng 721 civilian casualties dulot ng “explosive weapon use” sa giyera sa Ukraine—408 ang patay habang 313 ang sugatan.

Sa kabuuan, umabot na sa 2,149 civilian casualties—816 ang namatay at 1,333 na ang sugatan—ang naitala mula noong nagsimula ang armadong pag-atake ng Russia sa Ukraine noong Pebrero 24, base sa report ng Office of the UN High Commissioner for Human Rights (OHCHR).

Matatandaang naitala naman ng gobyerno ng Pilipinas noong Oktubre ng nakaraang taon, na 6,215 katao na ang napapaslang sa mga police anti-illegal drug operation, ngunit iginigiit ng mga human rights group na tinatayang 30,000 ang numero nito, kabilang na ang mga napatay ng mga vigilante.

Marami sa mga naturang indibidwal ang hindi humarap sa due process na may legalidad at hurisdiksyon, kung saan napatay daw sila bunsod ng pag-atake pabalik sa mga pulis—ito ang tinutukoy na mga extra-judicial killing.

Inaprubahan naman noong Setyembre 2021, ng pre-trial chamber ng International Criminal Court (ICC) ang pormal na imbestigasyon sa giyera-kontra-droga ni Duterte at sa pagpatay ng pamosong Davao Death Squad.

Pagsapit ng Nobyembre, pansamantalang inatras naman ni ICC chief prosecutor Karim Khan ang imbestigayon, matapos humiling ang gobyerno na patigilin ang probe at hayaang pambansang sistema na ang mag-abalang ayusin ang “problema”—ito’y isang opsyon sa ilalim ng Rome Statute’s Article 18(2).

Matagal ding nanindigan si Duterte na hindi siya kailanman makikiisa sa ICC, at inulit niya ang kanyang sentimyento sa naturang talumpati: “Tapos itong human rights, pati ICC, International Court, bakit ako mag-international court, hindi man ako international? Local lang ako eh.”

Paulit-ulit niyang binanggit na haharap lamang siya sa local na korte at kung mahatulan man ng pagkakakulong, pipiliin niyang mapiit sa Muntinlupa.

“I am Filipino. If I am accused of something it must be within the jurisdiction of the Philippines. If I am tried it should be before a Filipino judge and ang prosecutor must be a Filipino like me… kung makulong man ako sa Muntinlupa, magpapatayan kami doon,” banat ng pangulo.

Hanggang ngayon, naninidigan si Duterte na wala siyang kakampihan sa giyera ng Ukraine at Russia, dahil “Hindi natin away iyan, huwag tayong makialam.”

Nag-aalala naman siya na baka mauwi sa isang “nuclear war” ang naturang kaguluhan, kung sakaling lumaki ang gulo; bitiw niya, “If it goes nuclear, that's the end of the world. Tapos na talaga lahat.”


Edited by Phylline Calubayan