‘NI SINGKONG DULING WALANG IBINIGAY’: Ex-Gov. Antonio: BBM, dinedma ang paghingi ng tulong ng Cagayan noong binagyo ito
Ni Roland Andam Jr.
PHOTO: ABC-CBN |
Piliin ang mga kandidatong may nagawa at tumulong sa Probinsya ng Cagayan noong nangailangan ito ng tulong sa panahon ng kalamidad.
Ito ang pakiusap ni dating-Cagayan Governor Alvaro “Bong” Antonio sa mga Cagayano na dumalo sa “People’s Rally” ng tambalang VP Leni Robredo at Senator Kiko Pangilinan sa bayan ng Alcala, Cagayan noong Sabado, Marso 12.
Ang pahayag ay matapos na isalaysay ni Antonio ang pag-”dedma” umano ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang paghingi ng tulong nang minsang ragasain ng isang malakas na bagyo ang Cagayan noong siya pa lamang ang nakaupong gobernador ng probinsya.
Ayon kay Antonio, “ni singkong duling” ay wala umanong ibinigay si Marcos nang hingan niya ang noo’y senador ng suporta para sa Cagayan.
Giit pa niya, si Marcos umano sana ang pinakainaasahan niyang aagapay sa Cagayan nang subukin ito ng kalamidad sapagkat isa raw siya sa mga lubos na nangampanya para kay Marcos noong 2010 senatorial elections.
“Idi 2012, adda napigsa a bagyo nga nangdidigra ditoy Probinsya iti Cagayan. Ket bilang gobernador, immasidegak iti tinultulungan tayo nga senador, iti pangnamnamaak idi nga tumulong iti Probinsya iti Cagayan kadaydi nga karigatan,” salaysay ni ex-Gov. Antonio na ama rin ni incumbent Alcala Mayor Tin Antonio na kilalang bokal na tagasuporta ni VP Leni.
(Noong 2012, may malakas na bagyo rito sa Probinsya ng Cagayan. At bilang gobernabor, lumapit ako sa tinulungan nating senador at sa inaasahan nating tutulong sa Probinsya ng Cagayan noong kahirapan.)
“Ammu yo nu anya iti napasamak? Haan nak a mangpadpadakes, ibagbagak laeng iti pudno. Haanak pay sinango. Inpaibati na lattan ti resolution ko. Namindua nga daras a nagparangnak a dumawat ti saranay para ti probinsya a kas gobernador, ngem anya ti napasamak? Ni singkong duling, ni sping, awan inted na,” pagpapatuloy pa niya.
(Alam ninyo kung anong nangyari? Hindi ako naninira, nagsasabi lang ako ng totoo. Hindi man lang niya ako hinarap. Pinaiwan lang niya 'yung resolution ko. Dalawang beses akong humingi ng tulong para sa probinsya bilang gobernabor, pero anong nangyari? Ni singkong duling, ni ano, wala siyang ibinigay.)
Idiniin din ni Antonio na hindi kailangang Ilocano ang pipiliing iboto ng mga Cagayano para sa nalalapit na Halalan, bagkus, dapat na bumase aniya sila sa mga pangyayari sa nakaraan.
"Haan a masapol nga Ilocano ti pilyen tayo, masapol a agbasar tayo kadagiti nagkallabes (Hindi kailangang Ilocano ang piliin natin, mahalagang bumase tayo sa nakaraan)," saad niya.
Sa huli, hinikayat ni Antonio ang mga Cagayano na lumabas sa kanilang "comfort zones" para mangumbinsi kung nais ng mga itong magkamit ng mahusay na mamumuno sa bayan.
Iwinasto ni: Phylline Calubayan