'#PEYKNEWS': Ilang tinitingalang personalidad, itinangging kasama sila sa Zamboanga UniTeam rally
Ni Alyssa Damole
PHOTO: BBM FB Page |
Matapos masangkot sa isang Facebook post na nagsasaad ng kanilang pagdalo sa campaign rally ng tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte, pinabulaanan ng mga nabanggit na personalidad at OPM artists na ito ay pawang kasinungalingan lamang.
Nakasaad sa ngayo'y burado nang post ang paglahok diumano ng kilalang vlogger na si Cong TV at Team Payaman, pati ng OPM Artists na sina Zack Tabudlo, IV of Spades, Kamikazee, Parokya ni Edgar, at Agsunta, kasama ang bandang Philia at si Toni Gonzaga sa nasabing UniTeam rally na isasagawa ngayong ika-10 ng Abril 2022 sa Enriquez Memorial Complex, Zamboanga City.
"NEVER kami mag paparticipate sa kampanya na ito. MGA SINUNGALING. Gusto ko lang tahimik at hindi ma involve sa mga ganitong bagay, kaso kailangan namin gawan to ng aksyon. We are not for sale!" ani Allan Burdeos, drummer ng bandang Kamikazee, sa isa ring FB post.
Mariing pagtanggi rin ang ipinahayag ng bandang Parokya ni Edgar at sinabing ito ay walang katuturan, at ‘peyk news’ lamang ayon din kay Zack Tabudlo.
"Seryosong sagot. Kailanman hindi mangyayari ito, ngayon pa lang sinusunog ko na ang tulay," pahayag ni IV of Spades lead guitarist na si Blaster Silonga.
Nagsalita rin ang bandang Agsunta at sinabing nasa bahay lamang sila sa araw na gaganapin ang rally na ito.
Idinaan naman ni Cong TV sa isang biro ang kanyang saloobin at sinabing hindi siya sasama sa kampanya ng tambalang BBM-Sara dahil kahit nga makapaglaro ng 'Valorant' ay hindi niya magawa.
Sa kabilang banda, hindi pa nagpapahayag ng kanilang saloobin sa nasabing isyu ang bandang Philia, habang kilala naman ang singer-actress na si Toni Gonzaga bilang isang supporter at endorser ng tambalang BBM-Sara.
Iniwasto ni: Monica Chloe Condrillon