Ni Girald Gaston

PHOTO: Screengrab form Junnel Clem Cerudo Rogel/Facebook

Lebron James? Marcus Smart? Mick Pennisi? Taob iyan kay Mark Daquis!

Gumawa ng ingay sa social media ang 'phantom punch' na naganap sa ika-huling yugto ng tapatang Laguna Pistons at Quezon Barons, matapos ang kiskisan nina Arvine Calucin at Mark Daquis sa pagsisimula ng NBL Pilipinas President's Cup noong Linggo.

Sa kumalat na video, makikitang nagkagirian sa ilalim sina Calucin ng Barons at si Daquis ng Pistons, matapos pumukol ng tres si Jmar Capuso sa 7:46 marka ng nasabing quarter. 



Nang mai-buslo ni Capuso ang tres, tila tinamaan ng kamao ni Calucin si Daquis makaraang bumagsak ito sa sahig at namilipit sa sakit, hawak ang kaniyang panga.

Tinigil ng mga referee ang laro upang tingnan kung may posibleng unsportsmanlike foul, ngunit naging katawa-tawa ang mga sumunod na eksena matapos ang review.

Sa replay ng nasabing pangyayari, klarong-klaro na walang kamaong tumama kay Daquis, at flop lamang ang kanyang ginawa upang makatanggap ng pito sa referee.

Inadvertent whistle ang husga ng referees, at walang foul na naitawag sa mala-FAMAS na pag-arte ng tubong Laguna.

Sa huli, nanaig ang koponan ni Daquis kontra Quezon, 101-94, dagdag pa ang highlight ng laro na tinaguriang 'Phantom Punch' na umani na ng 1.2 milyong views at 39 libong shares sa Facebook.

'Badboy' ang imahe na mababanaag kapag narinig ang 'Pistons,' ngunit tila nabago na ito dahil sa ginawang flop ng Piston na si Daquis.


Iniwasto ni Kyla Balatbat