The term limits make political dynasties — BBM
By Zamantha Pacariem
PHOTO: PFP |
Sinisi ni Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Miyerkoles ang term limits ng mga opisyal sa konstitusyon dahil ito raw ang dahilan kung bakit mayroong political dynasties sa bansa.
“Pag mayor ako, nine years ako, patapos na ‘ko pero hawak ko pa rin yung bayan at marami pa kong gustong gawin, patatakbuhin ‘yung asawa, patatakbuhin ‘yung anak, patatakbuhin ‘yung pinsan tapos siya tatakbong vice mayor,” pahayag nito.
Aniya, hindi raw mapipigilan ang taong gusto mamuno, at kung ito ang binoto ng nakararami, karapatan umano nito na mailuklok sa pwesto.
“Imee wants to serve. I want to serve. Sandro, my son, wants to serve. What would I tell them? ‘No, don’t help’? Kung binoto naman ng tao, e di they deserve to be in wherever they are,” ani nito.
Dagdag pa niya, hindi raw dapat pigilang manungkulan si Senator Imee Marcos dahil lamang kapatid niya ito, sapagkat marami na umano itong nagawa.
Iginiit pa niya na hindi naman daw talaga tinukoy nang maayos kung ano ang konsepto ng political dynasties sa konstitusyon.
Bagamat binanggit niya ang mga isyu patungkol sa term limits, wala naman siyang sinabing plano kung papaano niya ito lulutasin.
Iwinasto ni: Ricci Cassandra Lim