CREAMLINE, MULING NAISUKBIT ANG TITULO SA PVL
Ni Jea Elijan De Pablo
PHOTO: PVL |
Muling inangkin ng Creamline Cool Smasher ang korona bilang reyna ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference matapos burahin ang Petro Gazz Angels, 25-18, 15-25, 25-23, 25-16 sa Game 2 ng kanilang best-of-three finals series sa Ynares Center, Antipolo City nitong Biyernes.
Tinapatan ni Finals Most Valuable Player (MVP) Alyssa Valdez ang 26 puntos nito sa Game 1 nang magbalandra ng 20 puntos sa close-out match katuwang si Conference MVP Tots Carlos na may 16 puntos.
Nanaig rin ang stellar plays ni multi-time Best Setter Jia De Guzman na nakaipon ng 35 excellent sets upang alalayan ang 17 puntos ni former MVP Jema Galanza.
"It's all worth it, all the sweat and tears in practice," ani Galanza.
Kumargo ng quick hit si Ced Domingo para selyuhan ang 11-1 run ng Cool Smasher at baliin ang kanilang 5-9 deficit patungong 19-16 lead sa ikatlong set, 2-1.
Napababa pa sa apat ang lamang ng Creamline sa huling set, subalit kumawala na sina Valdez at Domingo para lalong baliin ang pakpak ng Petro Gazz na nais humirit ng Game 3.
“I guess because we are all familiar with each other and have the mental toughness, that spelled the difference,” saad ni 'The Phenom' Valdez.
Naging motibasyon naman ni Carlos sa buong kumperensya ang pagkatalo ng koponan sa bubble conference kontra Cherry Tiggo nitong nakaraang taon.
“I don’t want to lose that way again,” saad ni Carlos, na hinatid ang Creamline tungo sa walang dungis na record sa komperensya.
Nag-iwan ng marka para Angels sina Nicole Tiamzon na may 14 puntos, at Myla Pablo at MJ Philips na kapwa humamig ng 13 puntos.
Hindi naman sumapat ang pagsagip ni Best Outside Spiker Gretchel Soltones sa Angels bunsod ng kaniyang right knee injury.
Ito na ang ikatlong Open Conference title para sa Cool Smashers, na mas pinatamis ng kanilang makasaysayang pagwalis sa lahat ng laban ngayong edisyon.