Ni Alyssa Damole

PHOTO: Department of Agriculture

Binigyang-diin ng limang presidential candidates ang kanilang planong pagtutuunang-pansin ang pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura matapos silang tanungin tungkol sa kung anong programa ang kanilang isusulong kaugnay ng food security sa nagdaang ikalawang Comelec debate nitong ika-3 ng Abril 2022.

Ayon sa abogado at cardiologist na si Jose Montemayor Jr., malaki ang ibinagsak ng sektor ng agrikultura mula sa 20-22% na ambag nito sa Gross Domestic Product (GDP) 40 taong nakalipas, na ngayo’y lumagapak na sa limang porsyento.

"Dapat maging agresibo na tayo ngayon... to prepare the country in the future problems of food shortage. Tandaan nating we cannot forever rely on other countries... We will be self-sufficient," ani Montemayor.

Sagot naman ni Senador Manny Pacquiao, na kailangan bigyang pansin ang production, distribution, and consumption na tinawag niya bilang "PDC" kaysa ipagpatuloy ang pag-import.

"'Pag nag-import nang nag-import tayo, mahihirapan at pinapatay natin ang kabuhayan ng mga farmers natin pati 'yung mga fisherfolks natin. Nakakahiya kung import tayo nang import," pagbibigay linaw niya.

Dagdag pa ni Pacquiao, dapat tayong tumanaw ng utang na loob sa mga manggagawa sa sektor ng agrikultura at iwasan na ang pag-import ng mga produkto mula sa ibang bansa.

Para naman sa negosyanteng si Faisal Mangondato, dapat bigyang prayoridad ang paglalaan ng pondo para sa agrikultura upang mas lumakas ang ating ekonomiya.

"'Yung ekonomiya natin ay lalakas kapag malakas ang ating industriya at agrikultura. Magkakaroon tayo ng programang magaganda dahil hindi ito nakukuha sa sistemang ito," sagot niya.

Sa kabilang banda, isinaad din nina Manila Mayor Isko Moreno at labor leader Ka Leody De Guzman ang kanilang nakikitang solusyon sa naturang isyu.

Nagbigay ng tatlong tiyak na plano si De Guzman na sinimulan ng pag-freeze ng kasunduan sa World Trade Organization (WTO) sa pag-angkat ng mga produktong agrikultural, pagkakaroon ng National Land Use upang bigyang prayoridad ang pagtatanim kaysa sa pagmimina, at paglalaan ng mas mataas na budget para sa mga magsasaka.

Iilan naman sa mga ibinahaging plano ni Moreno ay ang tax cuts on oil and energy, ayuda para sa fertilizer ng mga magsasaka, three-year moratorium ng land conversion, pagpapatigil ng smuggling, at paglilimita ng importation.


Iniwasto ni Monica Chloe Condrillon