Ni Roland Andam Jr.

PHOTO: ABS-CBN

SABAY-SABAY na itinama ng netizens ang kontrobersyal na pahayag ng aktres at kilalang Marcos supporter na si Toni Gonzaga-Soriano ukol sa napipintong “comeback” umano ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Malacañang na kanyang tahanan. 

Sa ginanap na grand campaign rally ng UniTeam ng tambalang BBM-Sara Duterte sa Cebu noong Lunes, Abril 18, ipinagsigawan ni Gonzaga na kaunting panahon na lamang umano ang nalalabi at balik-Malacañang na ang anak ng dating diktador.

Hindi naman ito nakalusot sa mga Pilipino at agarang inalmahan ang nasabing pahayag ni Gonzaga sa social media.

Bagaman may katotohanang minsang namalagi sa Malacañang ang anak ng diktador na si Marcos Jr., maging ang kanyang buong pamilya, ang palag ng netizens: “ninuma’y walang personal na nagmamay-ari sa Malacañang bilang tahanan.”

Ito anila’y pansamantalang tirahan lamang at opisina kung saan nagtatrabaho ang sinumang naluluklok na pangulo ng Pilipinas.

Isa sa mga umalma ang historyador na si Kristoffer Pasion na ibinahagi sa kanyang Twitter account ang isang larawan ng monumento ni dating Pangulong Ramon Magsaysay.

“Malacañang is the Palace of the People,” ito ang nakasaad sa plaka ng monumento ni Magsaysay na matatagpuan sa harapan ng pinakalumang gusali sa Palasyo – ang Kalayaan Hall. 


Ani naman ng isang netizen sa Facebook, baka raw ang “Bahay ni Kuya” at hindi Malacañang ang sinasabi ni Gonzaga na tahanang babalikan ni Marcos Jr. bilang kilala ang aktres na isang tanyag na host noon sa “Pinoy Big Brother.”

Bumanat din maging ang masugid na supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Mocha Uson sa pamamagitan ng isang TikTok video at sinabing napaghahalataan umano si Toni na “walang alam sa public service.”

@mochausonofficial

Ang Malacañang ay opisina hindi tahanan

♬ original sound - mochauson

“Paalala lang ang Malacañang ay pagmamay-ari ng bawat Pilipino. Ito ay opisina lamang ng public servant ng ating bayan,” giit pa niya.

Matatandaang hindi ito ang unang pagkakataon na lumikha ng kontrobersiya at nagisa ng publiko si Gonzaga kaugnay sa kanyang naging mga pahayag na pabor kay Marcos Jr. at sa UniTeam.

Isa sa mga paunang napag-usapan at pinagdebatehan ng Pinoy netizens ang pagpapakilala ni Gonzaga kay Rep. Rodante Marcoleta sa ginanap na campaign rally ng UniTeam sa Bulacan. Kilala si Marcoleta bilang isa sa mga pangunahing nagtulak sa pagpapasara sa ABS-CBN kung saan nagtatrabaho ang aktres. 


Iniwasto ni Kyla Balatbat