Nina Jewilyn Sta. Maria at Kyla Balatbat

PHOTO: Bulacan State University

Makabuluhang napasinayanan ang pagdaraos ng TALAWIGAN 2022: Talakayan sa Lalawigan, The Provincial forum na pinangunahan ng Office of the Student Regent sa Bulacan State University noong ika-26 ng Marso, Sabado.

Nabigyang linaw sa forum ang mga plataporma’t tindig ng mga tumatakbo sa pagka-gobernador at bise gobernador sa iba’t-ibang hanay at sektor ng kalusugan, edukasyon, ekonomiya, at suliraning panlalawigan.

Malugod na dumalo sa nasabing forum sina gubernatorial re-electionist Daniel Fernando at katandem nitong si vice gubernatorial aspirant Alex Castro mula sa National Unity Party. Nagpaunlak din sina gubernatorial aspirant at incumbent Vice Governor ng Bulacan Wilhelmino Sy-Alvarado at ang kaniyang kahalili na si vice gubernatorial aspirant Jonjon Mendoza. Tumanggi namang magpaanyaya sina gubernatorial aspirants Kaka Ernesto Balite (Independent),  Datu Adam Ocampo (Independent), at Pancho Valerio (Independent) at vice gubernatorial aspirant Salvador "Bogs" Violago (Liberal Party).

Ang naganap na forum ay inihanay sa limang bahagi kung saan inihayag ang opening statement ng bawat aspirants sa unang bahagi ng programa. Inilatag naman sa ikalawang bahagi ang mga plataporma’t solusyong saklaw ng pangmalawakang suliraning panlalawigan. Tinalakay naman sa ikatlong programa ang mga isyung pang-nasyonal kung saan binigyan ng isang minuto ang bawat kandidato na tumugon sa bawat isyu. Nahati naman sa dalawa ang ika-apat na kung saan nama’y binigyang tugon ng mga kandidato ang sentimyento’t katanungan ng mga Bulakenyo. Nagkaroon din ng pagkakataon ang bawat aspirant na hamigin ang mga Bulakenyo sa kanilang pangwakas na panayam.


INITAN SA TALAWIGAN 

Naging mainit ang inihaing debate sa ginanap na TALAWIGAN matapos maging isyu ang pag-oovertime ng ilang kandidato na anila’y labag sa napagkasunduang tuntunin gaya na lamang ng mahigpit na pagsunod sa time limit at pagbibigay respeto sa oras na inilaan para sa ibang kandidato. Napasaringan din ng dating tambalang Alvarado at Fernando ang ilang butas sa pamamalakad matapos ang ilang taong pagsasama sa panunungkulan. 

“Mukha yatang may nagpaparinig,” ani Fernando matapos ang tila patama ni Alvarado ukol sa isyung capacity building. Hindi naman nagpaawat si Fernando at inungkat din nito ang kuwestiyonableng kagamitan sa pasilidad ng panlalawigang ospital ng Bulacan na aniya’y “second-hand” nang kaniyang datnan sa pagkakaluklok sa pagka-gobernador.

Naging sentro rin ng atensyon si Alvarado matapos ang ilang beses na pagkain ng oras sa ilang bahagi ng programa. Sa isang segment ng forum ay sinubukang magpaubaya ni vice gubernatorial aspirant Jonjon Mendoza upang mabigyan ng oras sa pagsagot si Alvarado na agad namang tinutulan ng mga organizers.


PLATAPORMANG PANLALAWIGAN

Sa kabilang banda, paunang inilatag ni Alvarado ang kaniyang plataporma sa sektor ng kalusugan, kung saan sinabi niya ang planong isaayos ang Provincial Hospital, kasabay ng pagpondo at pagkumpleto sa mga gamot at kagamitan ng pasilidad nito. Plano ring magpatayo ni Alvarado ng Biggest Dialysis Center at pagtibayin ang serbisyong Oncology at Endocopy kung saan may malaking kakulangan sa doktor na mamamahala. Nais din aniyang isulong ang pagpapatupad sa National Health Care. 

Samantala, isusulong umano ni Alvarado ang libreng edukasyon sa kolehiyo sa anumang state universities bilang tugon sa sektor ng edukasyon. Solusyon din aniya ni Jonjon Mendoza ang paglalaan ng pondo sa bawat eskwelahan at ang pagpapaabot ng libreng serbisyong pang-eskuwela.  Pagbibigay naman ng trabaho sa economic zone ang kaniyang pangako upang makapagbigay ng hanapbuhay sa mga manggagawang Bulakenyo.

Kabilang naman sa mga inihaing plataporma ni Fernando para sa sektor ng kalusugan ay ang pagpapatayo ng MRI o magnetic resonance imaging para sa Bulacan Medical Center. Layon din niyang isaayos, kasama ang katambal na si Alex Castro, ang ilang ospital sa Pandi, Angat, at Obando District Hospital na tila hindi matuloy ang kontruksyon. Kasunod nito ang planong pagpapatayo ng Department of Ophthalmology and Science at Pamarawan District Hospital and Sea Ambulance.

Ayuda naman ang hain ni Fernando para sa mga mag-aaral ng baitang 11 at 12 na kasalukuyan ding nagbibigay benepisyo habang siya’y nakaupo sa termino. Tugon naman Castro ang pagpapalawak sa scholarship programs para sa lalawigan. Sisiguraduhin din aniya ang pagbibigay ng malaking pondo para sa sektor ng edukasyon. Plano rin ng magkatambal ang pagpapatupad ng mga job fairs at radio capitolyo upang tugunan ang tumataas na unemployment rate sa lalawigan. Magpapatayo rin sila umano ng Bulacan Sports Academy at Bulacan Farmers Training School upang lalong mapaigting ang kalidad ng kaalaman ng mga Bulakenyong manggagawang bukid. 

Sa pagtatapos ng programa ay nagpaabot ang bawat aspirant sa kanilang pangwakas na panayam ng kani-kanilang layuni’t dahilan kung bakit sila ang karapat-dapat na maluklok at magsilbi sa masang Bulakenyo.