VP Robredo, Marcos magkaiba ng pananaw sa sitwasyon ng ‘Marawi Rehab’
Ni Lynxter Gybriel L. Leaño
PHOTO: Froilan Gallardo/Rappler |
Hindi tugma ang opinyon nina presidential aspirants Vice President Leni Robredo at dating Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. hinggil sa sitwasyon ng rehabilitasyon sa Marawi City.
Pangakong ‘fast-track’ Marawi Rehab ni VP Leni
Nanumpa sa harap ng mga taga-Marawi si VP Leni na padadaliin nito ang rehabilitasyon ng Marawi kung siya ang mailuklok bilang pangulo kasunod ng mabagal na pag-usad sa pagsasaayos ng naturang siyudad sa loob ng limang taon.
“Ngayon po nasa ilalim pa tayo ng Marawi rehabilitation. Sisiguraduhin ko na mapapabilis iyong rehabilitation para makabalik na kayo sa mga bahay ninyo,” sabi pa ni Robredo sa kaniyang rally sa Marawi.
Matatandaang sumiklab noong Mayo 23, 2017 ang giyera sa pagitan ng gobyerno at ng militanteng grupong may koneksyon sa Islamic State na nagresulta sa halos 360,000 kataong apektado.
Kaya naman nangako rin si Robredo na bibigyan niya ng pinansyal na tulong ang lahat na nabiktima ng giyera.
Hinihintay na lamang niya ang lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maisakatuparan ang kanyang batas hinggil dito.
“Marawi Rehab not a top priority” – Marcos Jr.
Kaugnay nito, taliwas sa sinabi ni Robredo ang sagot ni Bongbong Marcos tungkol sa parehong isyu sa isang panayam noong kampanya niya sa Bukidnon.
Ayon kay Marcos Jr., “no need” na maging prayoridad ang rehab sa Marawi dahil ginagawa na ito ng kasalukuyang administrasyon.
“Ginagawa na iyon. There’s no need for it. Tinatapos na ni Pangulong Duterte,” giit pa niya.
Maaalalang inanunsyo ng administrasyong Duterte na may progreso na sa rehabilitasyon taliwas sa katotohanang hindi pa nakababalik ang mga biktima sa mismong “ground zero” ng bakbakan.
Samantala, ayon kay Housing Secretary Eduardo del Rosario na siya ring nanguna sa Task Force Bangon Marawi, magiging “90-25%” na matatapos ang rehab sa panahong matapos ang termino ni Duterte para sa mga lugar na lubhang napinsala.
Suporta ng “local politicians” kay Marcos Jr.
Samantala, buong puwersa namang sinusuportahan ang pagtakbo ni Marcos Jr. bilang pangulo ng mga lokal na politiko sa probinsya ng Lanao del Sur na pinangungunahan ni Governor Mamintal Alonto Adiong kasama ang mga politiko mula sa 38 na mga bayan kabilang na si Marawi City Mayor Majul Gandamra.
Nakumpirma ito nang magkampanya si Marcos Jr. sa Marawi at bumungad sa kanya ang mas maraming tao kaysa sa kampanya ni Robredo.
Hindi naman sumipot si Mayor Gandamra sa kahit anong aktibidad sa kanyang siyudad na may kaugnayan kay Robredo kabilang na ang “housing project” para sa mga biktima ng giyera at sa mismong “rally”.
Samantala, sinabi naman ni Robredo na nakipagkita siya sa iilang alkalde sa Lanao del Sur pero hindi nito binanggit kung sino. #
Iniwasto ni Niko N. Rosales