American linguist Noam Chomsky, suportado ang tambalang De Guzman-Bello sa Halalan 2022
Ni Roy Raagas
PHOTO: Sagisag |
Inendorso ng tinaguriang "Father of Modern Linguistics" na si Noam Chomsky ang tambalang Leodegario "Ka Leody" De Guzman at Walden Bello para sa dalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan sa darating na eleksyon sa Mayo 9.
Binanggit ng nasabing American linguist, social critic, at political activist sa isang video na naaayon ang plataporma nina De Guzman at Bello sa pagsugpo sa "sakit sa lipunan" at sa pagbuo ng isang magandang kinabukasan.
"Their program of democratic socialism offers a way for the Philippines to escape from the bitter cycle of the past and to take its proper place in leading Asia forward, towards the role it can and should play in creating a much better world for the Philippines, and for all of us,” wika ni Chomsky.
Nakatuon ang plataporma ng mga nasabing kandidato ng Partido Lakas ng Masa (PLM) sa karapatan, trabaho, at oportunidad ng mga mamamayan, lalo na sa mga manggagawa, na kanyang pinaglalaban na.
Nakasaad din sa kanilang plano ang pagbabago muna sa sistemang pulitikal bago isulong ang repormang pang-ekonomiya, kung saan kasama rito ang pagsulong ng P750 minimum wage sa buong bansa.
Bukod pa rito, binigyang-pansin ni Chomsky ang tatak ng tambalang De Guzman-Bello sa loob ng kani-kanilang karanasan.
"Ka Leody De Guzman has long been engaged in very impressive struggles, especially for the rights of working people, and along with Walden in the leadership of public movements that seek to defend and expand peace and justice in opposition to the neoliberal assault against the population," pahayag ni Chomsky.
Kaugnay sa kanyang pahayag ukol sa paikot-ikot na sistema sa Pilipinas, sinalaysay niya na maraming naganap na kalabaktutan sa gobyerno gaya ng korapsyon, at karahasan.
“Right now, there is a real opportunity to escape from this grim history. The upcoming elections offer a real choice: two outstanding candidates are on the ballot. They have programs designed to cure the ills of the current society and to offer a path for a far better future," aniya, pagtukoy mismo kina Ka Leody at Bello.
Iniwasto ni Kyla Balatbat