Ni Roland Andam Jr.

PHOTO: Philippine News Agency


Saktong-sakto at wala pang naitatala ang Commission on Elections (Comelec) na ‘variance’ o pagkakaiba sa random manual audit (RMA) at sa automated tally ng mga boto sa nagdaang Halalan 2022.

Sa isang press briefing kahapon, Sabado, ipinabatid ni Comelec commissioner Aimee Ferolino na nasa 406 na ballot boxes na ang kanilang nakolekta, at anim sa nasabing bilang ang manu-mano nang nabilang.

“Ang variance is zero, so we have 100% accuracy,” pahayag ni Ferolino.

Nitong Huwebes, Mayo 12, sinimulan ng Comelec ang proseso ng RMA kung saan nasa 757 clustered precincts ang kalahok. Inaasahan namang tatagal ito ng 45 araw bago matapos.

Ang RMA ay isang proseso ng manu-manong pagbibilang ng boto na isinasagawa ng Comelec upang tukuyin kung nagtutugma ba ang automated vote count sa manual verification nito.

Ayon kay Ferolino, tagapamuno ng RMA committee ng poll body, layon din ng naturang proseso na lusawin ang pagdududa ng sambayanang Pilipino sa kredibilidad ng automated election system sa bansa. 

Election returns nakitaan ng 1.6% mismatch ng PPCRV

Samantala, nakapagtala naman ng 1.6 percent mismatch ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa pagitan ng physical election returns (ERs) at sa digitally-transmitted copies nito sa transparency servers ng Comelec.

Ayon sa PPCRV, nangangalahati na ang natanggap nilang ERs mula sa mga local clustered precinct, habang parating pa lamang ang mga kopya ng ER mula sa labas ng bansa.

Mula naman sa 45,135 ER copies na hawak na ng PPCRV, 30,727 na raw dito ang manu-manong na-encode, ngunit nasa 30,235 ERs lamang ang tumugma sa mga resultang naisalin sa servers ng Comelec.

Natagpuan anila ang mismatch sa 240 ERs na ayon kay Van dela Cruz, tagapagsalita at legal counsel ng poll watchdog, ay dadaan sa reprocessing o revalidation.

Nakalinya namang isasalin sa susunod na batch ng manual validation ang 49 ERs, habang ang natitirang 203 ERs ay mga wala namang katumbas na digital election return.

Sa kabila ng nakitang 1.6 percent mismatch, ipinahayag ni Dela Cruz na hindi umano ito makakaapekto sa paunang resulta ng eleksyon para sa national positions at nananatili pa rin sa 98.35 percent ang matching rate ng mga election return.


Iniwasto ni Kyla Balatbat