FACT CHECK | Baste Duterte, tumangging hawak niya ang FB page na tumutuligsa sa oposisyon
Ni Monica Chloe Condrillon
PHOTO: Simply Invest Asia |
Itinanggi ng bagong halal na alkalde ng Davao City at anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Sebastian "Baste" Duterte na pagmamay-ari niya ang isang Facebook page na dala ang kanyang pangalan na tumutuligsa sa mga miyembro at taga-suporta ng oposisyon.
“Reminding everyone to be mindful of social media accounts and pages pretending to be Vice Mayor Baste or representing the Davao City Vice Mayor’s Office,” pahayag ng kanyang opisina.
Ayon pa sa opisina, hindi ito ang unang beses na ginamit ang pangalan ni Baste sa mga page sa Facebook, gayong pinaalalahanan din nila ang publiko na maging mapagmatyag sa pagsulpot ng mga naturang page dalawang buwan na ang nakalilipas.
Ilan sa mga kumalat na post mula sa umanong page ng anak ni Pangulong Duterte ang pagpapasara sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) at ang pagpapalit ng pangalan nito sa Bagong Pilipinas University, kung saan gagawing mandatory ang CAT/ROTC (Citizen Army Training/Reserve Officers Training Course).
Mainit sa mata ng mga taga-suporta ng pamahalaan ang naturang pamantasan dahil sa pagsasagawa nito ng mga rally na pumupuna sa mga nakikita nilang kamalian sa pamahalaan.
Kaugnay ng panawagan ng page sa pagbabalik ng ROTC, muling nabuhay ang nasabing usapin matapos mapabalitang si Presumptive Vice President Sara Duterte ang susunod na Kawani ng Department of Education (DepEd) na nagsusulong ng mandatory ROTC.