'GUEST LANG, HINDI TROJAN HORSE': Guanzon, dumepensa hinggil sa pakikipagkita kina Romualdez, Sandro Marcos
Ni Lynxter Gybriel L. Leaño
Matapos batikusin ng mga netizen, dinepensahan ni dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon ang kanyang pagdalo sa isang caucus ng Party-list Coalition kung saan nakunan siyang nakipagkamay kay incoming Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos, na anak ni Presumptive President Ferdinand Marcos Jr.
Batay rin sa kanyang mga naging post, nakipagkita rin si Guanzon kay Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez, na kalaunang inendorso rin ng nasabing koalisyon.
Gayunpaman, agad nilinaw ni Guanzon, kilalang miyembro ngayon ng P3PWD Party-list, na “guest” lamang siya sa nasabing pagtitipon, at importante rin daw na makadalo siya upang masimulan niyang makapagtrabaho kasama ang mga mambabatas.
"Mga [a]nak, wala tayong mapapasang batas and budget para sa mga PWD kung hindi tayo magtratrabaho with them. Hindi puwedeng kontra lang nang kontra," sabi pa ni Guanzon na isa sa mga kilalang tagasuporta ni Vice President Leni Robredo.
Iginiit din niya na hindi niya palalagpasin kung may mali siyang makikita sa pamamalakad ng susunod na administrasyon.
"Suportahan natin ang magagandang programa pero hindi magdadalawang isip na batikusin ang mali. Wala akong utang na loob sa kanila, kayo ang nagluklok sa akin dito," pahayag niya.
Matatandaang si Guanzon ang isa sa mga mahigpit na kritiko ni Presumptive President Marcos Jr. dahil sa mga isyu ng korapsyon at tax evasion, kung saan bumoto siya bilang Comelec Commissioner noon na i-disqualify ang nasabing kandidato ngunit hindi nabilang ang kanyang boto.
Iniwasto ni Niko N. Rosales