Nievarez, bigong depensahan ang titulo sa Men’s Single Sculls
By Manuel Arthur Machete
PHOTO: Philippine Rowing Association |
Napayukod si Tokyo Olympian Cris Nievarez nang makakopo lamang ng bronze medal, rason upang bigong mapanatili ang titulo sa Men’s Lightweight Single Sculls finals sa 31st Southeast Asian Games sa Thuy Nguyen Hai Phong Aquatics Center, Sabado.
Nasadlak sa ikatlong pwesto ang dating gold medalist matapos ungusan ni hometown bet Van Hoan Bui (7:32.366) sa huling dalawang daang metro ng karera, daan upang maiukit ang 7:35.741 minuto at makasisid ng tanso.
Nahablot naman ni Indonesian waterman Ihram ang unang pwesto makaraang magtala ng dominanteng 7:25.151 minuto, dala ng matikas na headstart sa first 1,000 meters ng karera.
Samantala, naratay sa ikaapat na pwesto si Malaysian titlist Mohamad Amirul Norhadi na may 7:47.071 minuto habang nasa ikalimang pwesto naman si Chanin Srisomboon, tangan ang 7:48.741 minuto.
Bukod kay Nievarez, mag-uuwi rin ng tanso sina Filipino rowers Edgar Illas at Zuriel Sumintac matapos ang kanilang third-place finish sa Men’s Lightweight Double Sculls finals.
Ito na ang ikalawang medalya ng tubong Atimonan, Quezon ngayong SEA Games matapos sumungkit ng pilak sa Men’s Lightweight Double Sculls habang kaagapay ang kapwa-Pinoy na si CJ Jasmin noong Mayo 11.