Zubiri kay BBM: Paano magiging diktador yan, eh napakabait niya?
Ni Zamantha Pacariem
PHOTO: Rappler |
Panatag na sinabi ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri sa UniTeam rally noong Sabado, Abril 23, na sigurado siyang hindi magiging diktador si presidential aspirant at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sapagkat napakabait umano nito.
Kwento ng senador, “Kapag nag-uusap kami ang gusto lang talaga niya, ang nasa puso niya ay umasenso tayong lahat.”
Sinabi ni Zubiri sa kanyang talumpati na sinuportahan niya ang UniTeam sapagkat nagustuhan niya ang kanilang plataporma ng pagkakaisa.
Dagdag pa niya, “Hindi katulad ng ibang kandidato, na lagi tayong inaaway.”
Kasama si Zubiri sa senatorial lineup nina Vice President Leni Robredo at Sen. Francis "Kiko" Pangilinan noong nasabing panahon na iyon, na nagdaos din ng rally sa Pasay City ng araw na iyon.
Samantala, sa isang pahayag ng spokesperson ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, opisyal nang tinanggal si Zubiri sa senatorial slate ng Leni-Kiko tandem noong Miyerkules.
"His open endorsement of another presidential candidate, in contravention of the agreement with all guest candidates, led to this decision," pahayag ni Gutierrez.
Nauna nang tinanggal si Zubiri sa senatorial lineup ng tandem nina Senador Panfilo Lacson at Senador Vicente "Tito" Sotto III dahil sa parehong dahilan.
Iniwasto ni: Audrei Jeremy A. Mendador