By Zamantha Pacariem

PHOTO: Manila Bulletin

Opisyal nang hinirang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang walong personalidad bilang National Artists na mapapabilang sa Orden ng Gawad ng Pambansang Alagad ng Sining sa bansa, sa pag-endorso na rin ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP).

Makakatanggap ng iba’t ibang insentibo ang mga bagong national artist kabilang na ang cash award na 100,000 piso para sa mga nabubuhay pa, at 75,000 piso naman sa mga pumanaw na, kung saan ay ipapaabot naman sa kanilang pamilya.

Kalakip din dito ang panghabambuhay na buwanang pensiyon, medikal at pagpapa-ospital, life insurance, at tiyak na pook ng paglilibingan sa Libingan ng mga Bayani. 

Kabilang sa mga itinanghal ay ang soprano at libretista na si Fides Cuyugan-Asensio bilang National Artist for Music.

Kasama rin dito ang kilalang choreographer na nagpaunlad ng neo-ethnic dance na si Agnes Locsin para sa National Artist for Dance.

Kinilala naman bilang National Artist for Literature ang makata at bantog na manunulat na si Gemino Abad.

Iginawad naman ang National Artist for Theater sa pumanaw nang stage director at aktor sa teatro na si Tony Mabasa.

Hinirang naman bilang National Artist for Fashion ang namayapang designer na si Salvacion Lim Higgins, na nakilala dahil sa muling pagbuhay nito sa terno. 

Habang para sa National Artist for Cinema, binigyang parangal ang kilalang 'Superstar' na si Nora Aunor, ang namayapang direktor na si Marilou Diaz-Abaya, at ang tanyag na screenwriter na si Ricky Lee para sa kanilang kontribusyon sa pagpapaunlad ng pelikulang Pilipino.

Matatandaang ibinasura ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang pag-endorso ng CCP kay Aunor noong 2014 sa hindi malamang dahilan, ngunit maraming mga haka-haka na marahil ito raw ay dahil sa pagkakasangkot niya sa ilegal na droga noong 2005.


Iniwasto ni Ricci Cassandra Lim