Ni Nikki Coralde

PHOTO: Bureau of Internal Revenue / INQUIRER.net

Pinangalanan na ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. ang bagong nadagdag sa listahan ng kanyang gabinete na tutugon sa pangangasiwa ng pagkolekta ng buwis ng bansa nitong Biyernes, ika-18 ng Hunyo. Sa isang pahayag, sinabi ni incoming Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na napili ni Marcos si Lilia Guillermo, kasalukuyang Assistant Governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), bilang bagong hepe ng Bureau of Internal Revenue (BIR). Ayon pa kay Cruz-Angeles, ang magandang track record ni Guillermo ang dahilan kaya napili siya ni Marcos na maging commissioner-designate ng ahensya. “Guillermo’s strong background in Information Technology (IT) and her almost four decades of service at the BIR complements President-elect Marcos’s objective of boosting the country’s revenue through efficient tax collection,” aniya. Naunang umupo bilang deputy commissioner ng BIR si Guillermo kung saan tagumpay nitong ipinatupad ang Philippines Tax Computerization Project, na bumuo sa modern tax collection system ng BIR at ng Bureau of Customs (BOC). Samantala, pinili rin ni Marcos si Atty. Romeo Lumagui Jr. bilang BIR Deputy Commissioner for Operations, kung saan inilarawan siya ni Cruz-Angeles bilang isang "tax lawyer na maraming karanasan." Si Lumagui ay dating hepe sa Regional Investigation Division ng BIR Region No. 7B – East National Capital Region kung saan nanguna siya sa pagsasagawa ng mga imbestigasyon at operasyon laban sa mga lumalabag sa pagbabayad ng buwis.
Iniwasto ni Irene Mae Castillo