CHR, sinegundahan ang pahayag ni Guevarra: Red-tagging contradicts duty to protect rights
Ni Alyssa Joy Damole
PHOTO: Edd Gumban/The Philippine Star |
Sa kabila ng minsa'y pangunguna ng mga opisyal ng pamahalaan, binigyang-diin ng Commission on Human Rights (CHR) na ang red-tagging, o pang-aakusa sa mga tumutuligsang indibidwal at grupo bilang komunista, ay salungat sa kanilang sinumpaang tungkulin na protektahan ang karapatang pantao.
"Resorting to red-tagging, especially if coming from public servants, contradicts the obligation of duty bearers to protect and promote the universal and constitutional rights of the people," ani CHR Executive Director Atty. Jacqueline Ann de Guia sa isang pahayag nitong Sabado, Hunyo 18.
Ito ay mula sa kanyang ginawang papuri sa naging pahayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra laban sa red-tagging sa isang press briefing noong Hunyo 15.
"Kung mayroong certain acts ang mga red-tagged persons na masasabing against the law, then don’t just label them. File the necessary action against them kung meron kayong ebidensya to prove that they are committing offenses or violating our existing laws," saad ni Guevarra sa naturang panayam.
Magugunita na bilang kalihim ng DOJ, kabilang din si Guevarra sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na siyang inuulan ng mga reklamo tungkol sa umano'y red-tagging na ginagawa nila.
“Yung sa red-tagging, I don’t think it’s the policy of the NTF-ELCAC. Meron lang certain persons associated with the NTF-ELCAC na who might have been vocal about their impressions about certain groups,” wika niya.
Pinayuhan ni Guevarra ang NTF-ELCAC na sa halip na mang-red-tag ng mga indibidwal na pinaniniwalaang may ginawang paglabag sa batas, dapat muna itong idaan sa tamang proseso at bigyan ito ng aksyon nang may kaukulang sapat na ebidensya.
“Pero kung wala ka namang ebidensya to support anything except to suspect na ito ay fronts ng, let’s say communist-terrorist groups, ay huwag ka na lang magsalita dahil you’re endangering certain people,” dagdag niya.
Kaugnay nito, binigyang-papuri rin ng CHR ang kasunod na pahayag ni Sec. Guevarra na nagsasaad ng pagbibigay-respeto sa paggamit ng karapatang pantao sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mapayapang malayang pagpapahayag.
"CHR stresses that criticism and dissent are functions of a vibrant democracy. The free exchange of ideas through healthy discourse is meant to improve laws, policies, and the general affairs and welfare of the people... We stress that assertion of rights equally entails obligations to respect the rights of others and to exercise one's rights responsibly," sabi ni De Guia.
Ayon kay Atty. De Guia, kanila pa ring inaasahang protektahan at suportahan ng pamahalaan ang karapatang pantao upang maiwasan ang mga banta sa kalayaan ng tao.
Dagdag pa rito, patuloy na binibigyang-diin ng CHR ang masalimuot na bunga ng red-tagging na nakakaapekto sa buhay ng mga sibilyan, human rights advocates, at civil society organizations na madalas magpahayag ng kanilang saloobin tungkol sa iba't ibang isyu.
Iniwasto ni Monica Chloe Condrillon