Ni Nikki Coralde

PHOTO: Philippine Star/ Boy Santos

Dahil sa kahirapan sa pagtiyak ng lagay ng COVID-19 sa bansa, hiniling ni outgoing Health Secretary Francisco Duque III na pag-aralan muna ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. ang sitwasyon ng pandemya kung sakali mang magdesisyon itong alisin ang idineklarang state of calamity sa bansa.

Ayon sa kalihim, kahit na kontrolado na umano ang pagkalat ng sakit, hindi dapat magpakampante ang bagong administrasyon dahil maaari pa rin itong biglang manggulat sa patuloy na presensya nito.

"We are realistic to accept the fact that this virus is notorious for mutations. And so we have to be realistic, we have to temper our expectations. What is more important is the realization that the virus is here to stay," aniya.

Dagdag pa rito, iminungkahi rin ni Duque na bigyang pansin ng bagong administrasyon ang agham upang malaman ang mekanismo ng pag-evolve ng naturang virus.

"I hope they will really take time to study and to look at the metrics and look at what new information and science offer in terms of the evolving variants of concern," sabi pa niya.

Samantala, ayon sa OCTA Research, bahagyang tumaas sa 14% ang kaso ng COVID-19 sa NCR nitong Miyerkules, kung saan may naitalang 90 na kaso bawat araw kumpara sa 79 na kaso nitong nakaraang linggo.

“Unti-unting tumataas 'yung cases. From 63 ngayon nasa 90 cases per day. Hindi pa naman mataas pero may slight concern na bahagyang tumataas kada linggo ang bilang ng kaso sa Metro Manila,” ani OCTA fellow, Dr. Guido David.

Dagdag pa rito, pumalo na sa 3,691,892 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Hunyo 7, na may 2,437 na nananatiling active, at death toll na 60,456.

Sa kabila nito, nilinaw naman ng DOH na mananatili pa ring "low-risk" ang bansa sa COVID-19 virus.


Iniwasto ni Irene Mae Castillo