Ni Girald Gaston

PHOTO: FIBA Basketball

Nakatikim ng pangmamama ang bagitong koponan ng Gilas Pilipinas kontra New Zealand Tall Blacks, 60-106, sa kanilang ikalawang sagupaan sa ikatlong window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers, Huwebes ng hapon sa Auckland, New Zealand.

Matapos ang 25-puntos na pagkatalo sa una nilang paghaharap, bigong makabawi ang bagong disenyo ng Gilas, sa pamumuno ni Nenad Vucinic, sa balwarte ng Tall Blacks dala lamang ang 11-man lineup.

Litaw ang bentahe ng Tall Blacks sa laki at karanasan, matapos dominahin ang rebounding kontra Gilas, 47-33, na lumaro nang wala ang serbisyo ni naturalized center Angelo Kouame. 

Pinangunahan ng 6-foot-7 versatile big na si Carl Tamayo ang atake ng pambansang koponan matapos magtala ng game-high 16 puntos at limang rebounds, ngunit naging dagok naman sa Gilas ang pag-alis niya sa laro sa huling yugto nang magtamo ng ankle injury.

Magandang panimula ang ipinamalas ng Kiwis at agad itong nakaalagwa sa pagtatapos ng unang yugto, 23-13.
 
Naging mahigpit ang palitan ng depensa ng parehong koponan sa unang dalawang minuto ng ikalawang quarter, dahilan upang kapwa sila hindi makaiskor. Tinapos lamang ni Tamayo ang tagtuyot nang ibuslo nito ang kanyang freethrows upang ibaba ang lamang sa walo, 15-23.

Sa puntong iyon, tuluyan nang bumigay ang depensa ng Gilas, at agad na umarangkada ang Tall Blacks matapos magtampok ng 12-0 blitz sa loob lamang ng tatlong minuto sa lay-up ni Finn Delaney, 35-15, upang tuluyang lumayo sa Gilas patungo sa 47-21 pagtatapos sa first half.

Agad na nakabawi ang Gilas sa opensa sa ikatlong yugto nang magtala ng 22 puntos, higit sa 21 na kanilang ginawa sa buong first half, subalit dumoble rin ang lakas ng opensa ng New Zealand.

Bagaman nadaan sa opensa ang second half, hindi naman nadepensahan ng bagitong koponan ang magandang ball movement ng beteranong Tall Blacks na tuluyang tumikada sa tres patungong panalo sa pangunguna nina Dion Prewster at ni Delaney.

Kumamada si Prewster ng 15 puntos, habang nag-ambag naman ng 14 puntos at pitong rebounds si Delaney upang imando ang balanseng atake ng Tall Blacks na mayroong anim na manlalaro na nagtala ng double-figures.

Dagdag pa rito, namuhunan ang Kiwis sa mga pagkakamali ng Gilas, matapos magrehistro ng 32 puntos mula sa 19 na turnovers ng Pilipinas. 

Nagtapos ang New Zealand nang may malinis na 4-0 kartada sa Group A, habang may 1-2 rekord naman ang Gilas Pilipinas, sapat upang mapanatili ang ikalawang pwesto sa nasabing grupo.

Susubukang rumesbak ng Gilas Pilipinas kontra sa wala pang panalong India, sa kanilang huling laban sa 3rd window na gaganapin naman sa Mall of Asia Arena sa Linggo.


Iniwasto ni Irene Mae Castillo