Ni Paul Lerrom V. Conducto

PHOTO: Manila Bulletin

Winakasan ng Gilas Pilipinas Youth ang kanilang kampanya sa FIBA U16 Asia Championship sa isang come-from-behind win, 95-87, sa classification game kontra Iran para sa ika-pitong pwesto, Linggo sa Doha, Qatar.

Nakalagak sa bingit ng pagkadehado ang bagitong koponan ng Pinas sa pagbubukas ng 2nd half, 39-50, ngunit pinamunuan ni Alexander Konov ang pagbalikwas matapos bumuslo ng magkapares na three-point shot at layup para sumuporta sa nabuong 11-2 run at ibaba ang kalamangan ng Iran, 50-52.

Gumanti naman ang Persians nang makapagposte ng 9-2 run sa tulong ng kanilang top scorer, Mohammadamin Khosravi sa pagpapatuloy ng ikatlong canto.

Nakaungos muli ang batang Gilas sa engkwentro matapos sumagot ng 14-2 run, at makalamang sa dulo ng 3rd quarter sa unang pagkakataon, 68-63.

Napanatili ng Gilas Youth ang kanilang bentahe sa huling quarter nang mag-init sina Jared Bahay at Caelum Harris na nagpakawala ng magkahalong tres at inside shots, habang diretso sa paghabol ang Iran at unti-unting nakadikit sa nalalabing 2:40 ng ball game, 86-80.

Tinangka pang baliktarin ng Iran ang laban nang iangat pa ang kanilang score, ngunit sinabayan lamang ito ng Pinas hanggang sa tuluyang naselyuhan ang classification game sa pagtatapos ng 13-team tournament.

Bumandera si Konov ng team-high 18 points sa kabuuan ng laro, habang umambag si Harris ng 15 markers, anim na rebounds, tatlong assists at magkapares na blocks katambal ang 13 puntos, pitong assists at tatlong steals ni Bahay. 

Nanguna sa team ng Iran si Khosravi na kumolekta ng 28 puntos at pitong rebounds, habang solido ang pag-agapay nina Sarem Jafari karga ang 23 puntos at Mohammad Amini na may 20 puntos ngunit inalat pa ring mapasakamay ang panalo.

Laglag sa 8th place ang Iran, samantalang Australia naman ang naluklok sa tuktok, na sinundan ng Japan,  habang ang  ikatlong puwesto ay nakamit ng New Zealand sa katapusan ng torneo.


Iniwasto ni: Irene Mae Castillo