Guanzon, bumuwelta sa paratang ni Cardema na pinagbibitiw niya ang P3PWD nominees: 'Magpakita ka ng ebidensya'
Ni Lynxter Gybriel L. Leaño
PHOTO: George Calvelo/ABS-CBN News/Russell Palma/Philstar |
Matapos batuhin ng akusasyon, agad bumuwelta si dating Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Rowena Guanzon at nanghingi ng ebidensya sa paratang ni National Youth Commission (NYC) Chairperson at CEO Ronald Cardema na pinagbibitiw raw umano nito ang mga nominee ng nanalong P3PWD party-list upang siya ang maging “substitute candidate."
"Who gave you the authority, Cardema, to speak for these, your so-called... the person that you alleged that I am coercing. Puro ka naman kyaw-kyaw wala ka naman ebidensya. Iharap mo. Iharap mo yung nagrereklamo," matapang na pahayag ni Guanzon.
Umugong ang away matapos makakita si Cardema ng mga larawang laman ang mga mensaheng di umano'y mula kay Guanzon na nagsasabing pinatatalsik niya sa Viber group chat ang mga nominee ng P3PWD at pinagbibitiw na rin.
"Pinupuwersa mo 'yung mga nominees mo na magdeklara na patay na sila o incapacitated sila para maka-substitute ka. Kalokohan ng batas, di ba?” giit pa ni Cardema sa Pandesal Forum.
Dagdag pa ng NYC Chairperson na papayagan lamang ang “substitution” hanggang sa araw ng eleksyon at idiniing si Guanzon mismo ang gumawa ng nasabing alituntunin.
Gayunpaman, hindi nagpatinag si Guanzon at dinepensahan pa ang kanyang panig sabay sabing walang karapatan na manghimasok si Cardema sa pamamalakad ng P3PWD party-list.
Sagot ng komisyoner sa posibilidad na siya nga ang maging kinatawan ng naturang party-list sa susunod na Kongreso, "Everything is speculative. When it happens, it is just going to happen."
Matatandaang iniugnay rin ni Cardema si Guanzon sa isang hindi pinangalanang congressman upang maging dahilan sa pagbintang na tila "nilalaro" nila ang kasalukuyang party-list system.
Buwelta naman ni Guanzon, na “nilaro” rin ni Cardema ang party-list system dahil sa pamimilit nito noong Eleksyon 2019 na maging kinatawan ng Duterte Youth kahit pa lagpas ang kanyang edad upang maging youth representative.
Unang nagkagirian ang dalawang personalidad noong Eleksyon 2019, kung saan inakusahan noon ni Cardema si Guanzon na nanghihingi ng suhol upang palusutin ang accreditation ng Duterte Youth party-list.
Iniwasto ni Niko N. Rosales