COLUMN | Playlist para sa mga nagpaubaya
By Cate Margaret Paspos
“Patatawarin ba kita?” ni Sharon Cuneta, papipiliin mo ba ng mala-Imela Papin na “ako ba o siya?” o “pinapaubaya ko na sa kanya” ni Moira dela Torre agad ang iyong significant other sa panahong malaman mong may third party na pala?
“Bakit nga ba mahal kita, kahit na may mahal ka mang iba?” Baliw na baliw na tayo sa cheating serye ngayong 2022. Bungad na chika noong Enero ang hiwalayan ng tatlong-buwang “newlyweds” Tom Rodriguez at Carla Abellana dahil sa alleged cheating; tapos sila Zeinab Harake at Skusta Clee (ulit) pagsapit ng Abril, at ang pasabog na pagtatapos ng Mayo sa break-up post ng best friends to lovers na Moira dela Torre at Jason Hernandez.
Ibinunyag ni Cristy Fermin sa “Cristy FerMinute” na isang talkshow sa One PH ang hiwalayan nila Tom at Carla na dahil sa 3rd party noong Enero na nahuli umano mismo ni Abellana. Nagsalita ang ama ni Carla na si Rey Abellana noong Marso na nagkaroon daw ng “one-night stand” si Tom na naging dahilan sa biglaang hiwalayan ng kanyang anak.
Instagram naman ang pinakamahalagang himpilan ng taong-bayan sa chikahang hiwalayan. Unang lumabas ang haka-hakang hiwalayan ni Zeinab at Skusta nang wala ang rapper sa IG post ni Zeinab tungkol sa miscarriage ng dapat ikalawang biolohikal na anak ng magkapareha. Inamin ito ni Zeinab sa Toni Talks noong ika-walo ng Mayo habang ikinukwento ang panloloko ng lalaki habang siya ay nagdadalang-tao. On-and-off na talaga ang relasyon ng dalawa; 2019 natin narinig ang awiting Zebbiana mula kay Skusta na may lirikong sa kanyang pagkasabik at “lubos na pagmamahal” sa binibini.
Inihayag naman ng tatlong-taong kasal na Christian couple, Moira dela Torre at Jason Hernandez, sa kanilang social media accounts ang hiwalayan dahil sa pagiging “unfaithful” ni Jason. Matatandaan na pinabulaanan ni Moira ang breakup rumors dahil sa isang Instagram story na naka-tag ang kanyang asawa na noong Abril 14. Ngayon, nagpaubaya na talaga si Moira.
Kung nakahanap sila ng ipapalit sayo habang kayo ay nasa relasyon, bakit ka pa mananatili? Hindi mo “dasurv” ang yakap habang may iniisip siyang iba.
Sugal na ang mamili ng kapareha sa panghabang-buhay, mas lalong mahirap ang pagsasama pagkatapos ng pakikiapid. Ayon kay Psychologist Briony Lee, 55% ng relasyon ang nagtatapos agad, 30% ang sumusubok muli, at tanging 15% lamang ang nagtatagal kapag nalaman ng kapareha ang pagloloko.
Paano nga ba nakakatulog nang mahimbing ang mga manloloko? Nakapikit lang?
Ayon kay Rachel Sussman, isang licensed psychotherapist at relationship expert sa New York City, madalas na katwiran ng significant others sa pagtataksil ay ang kalumbayan mula sa kapareha, “sana [raw] dalawa ang puso” ni Janno Gibbs para hindi na raw kailangang mamili pa, hindi minahal si third party, at ang sikat na dahilan mula kay Joey de Leon, “’sensya na't pagkat tao lamang, ‘sensya na't nagkakamali din.”
Kaso, sana sinabi mo na gusto mo pala pumasok sa polyamory (relasyon na higit pa sa isang tao), kasi susundin ko ang I Belong to the Zoo at “hahayaan naman kitang sumaya't umalis.”
“Cheating is a choice, not a mistake.” Hindi naman maaaring isang gabi, nalimutan mo na ang sumpaang pagmamahal niyo at napalapit ka sa labi ng iba. Lakasan niyo Ben&Ben, kasi “diba nga ito ang iyong gusto? O, ito'y lilisan na ako.”
Sa panahong sinira ang tiwala, hindi ito maibabalik agad. Hindi sapat ang “Kumpisal” ni Skusta Clee sa bawat luha at pagod na pinagdaanan ni Zeinab. Matagal na alam ng taong-bayan ang kaniyang panloloko; magbabago na ang administrasyon pero ganito pa rin ang kaniyang aksyon. Never beating the “once a cheater, always a cheater” allegations.
Alam ni Zack Tabudlo na siya ay uto-uto at marupok, ngunit naisipan niyang itanong kung lalayo na lang. Kapag nabasag ang plato, maaari mo itong ipagdikit muli pero bakat pa rin ang sakit ng nakaraan. Kaya kapag niloko ka na, huwag ka nang magpauto ulit, tumakbo ka na! Hindi tayo “apologist” for kailanman’s video.
Tunay na mahirap ang umalis na lamang lalo na kung may batang damay. Subalit, nararapat na tanggapin ng mag-asawa ang kasalanang naganap bago magpatuloy sa kanilang pagsasama. Walang mali sa pagpapatawad, pero maraming mali sa pagbubulag-bulagan.
Isang malaking pagbati sa mga taong nakaalis sa manlolokong kapareha, at isang malaking “good luck” sa mga taong kinayang magpatawad para magsimula muli. Ngayon, intayin na lamang natin ang Paubaya (10 Minute Version) (Moira’s Version) (From The Vault).