44% ng mga Pinoy, ‘dismayado’ sa K-12 — survey
Ni J Rosh Macasero
PHOTO: Rio Deluvio, Manila Bulletin/GMA News |
Nagpahiwatig ng pagkadismaya ang aabot sa 44 porsyento ng mga Pinoy sa ipinapatupad na K-12 education system ng Department of Education (DepEd) matapos lumabas ang mga resulta ng isang Pulse Asia survey na kinomisyon ni Senator Sherwin Gatchalian kahapon, Hulyo 18.
“Malinaw sa boses ng ating mga kababayan na hindi sila kuntento sa programa ng K to 12. Ito ay dahil hindi natutupad ang mga pangako nito at naging dagdag na pasanin lamang ito sa ating mga magulang at mga mag-aaral,” ani Gatchalian.
Ayon sa resulta ng naturang survey na ginanap mula Hunyo 24 hanggang 27, tinatayang 25 porsyento ang nagpakita ng “somewhat dissatisfied” na marka, habang nasa 19 porsyento naman ang nagbigay ng “truly dissatisfied” na grado mula sa 1,200 na mga kalahok sa survey.
Kapansin-pansin ang naturang pagtaas ng pagkadismaya ng mga Pilipino sa kasalukuyang sistemang pang-edukasyon na aabot sa 16 porsyento kung ikukumpara sa 28 porsyento na markang inilabas noong Setyembre 2019.
Samantala, nasa 39 porsyento lamang ng mga sumagot ang nagsabing nasiyahan sila sa pagpapatupad ng K-12. Tinatayang nasa 32 at 7 porsyento ang nagsagot ng "somewhat satisfied" at "truly satisfied."
Bumaba ang positibong pananaw sa K-12 nang 11 porsyento kumpara sa 50 porsyento ng mga Pilipinong nagsabing nasisiyahan sila sa K-12 noong Setyembre 2019.
Para kay Gatchalian, na chairman ng Basic and Education Committee ng Senado, dapat suriin nang maigi ang K-12 ng DepEd na sinimulan pa noong 2012 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
“Dapat nating suriin nang husto ang pagpapatupad ng K-12 upang matiyak na natutupad nito ang layuning makapaghatid ng dekalidad na edukasyon at isulong ang pagiging competitive ng ating mga kabataan.” pagtatapos ni Gatchalian.
Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, lumabas na halos 20 porsyento ang mga mag-aaral na nagtapos ng senior high school ang pumapasok sa ‘labor force’ at habang 70 porsiyento ang nagpatuloy ng kanilang edukasyon sa kolehiyo — malayo sa ipinangako ng K-12 na pagpapayabong ng kakayahang magtrabaho ng mga kabataan.