Ni Maverick Joe Velasco

PHOTO: Rappler

Hindi natinag ang kampo nina Rappler CEO Maria Ressa at dati nitong researcher na si Rey Santos Jr. sa kabila ng pagbasura ng Court of Appeals (CA) sa apela nila ukol sa kasong cyber libel, ayon sa pahayag ng news site nitong Biyernes, Hulyo 8.

Ayon sa Rappler, pinag-aaralan na rin ng mga legal na tagapayo ng dalawa ang naging hatol ng Korte at sinabing gagamitin nito ang lahat ng maaaring legal na remedyo sa kanilang kaso, kabilang ang pag-akyat ng kanilang  apela sa Korte Suprema.

Sang-ayon naman ito sa naunang pahayag ni Francis Lim, abogado ng Rappler, na kung tututulan ng CA ang apela ay iaakyat nila ito sa pinakamataas na korte.

Kaakibat ng desisyon ng nasabing korte ay pinahaba rin ang sentensya nina Ressa at Santos na mula sa anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon ay nadagdagan pa ng walong buwan at 20 araw.

"The decision weakens the ability of journalists to hold power to account," tindig naman ng Rappler.

Tinatawagan din ng media outlet ang mga kasamahan nitong mamamahayag na maging "vocal and vigilant now more than ever" matapos ang naturang hatol.

"What is ultimately at stake is our democracy whose strength rests on a media that is not threatened by the state nor intimidated by forces out to silence critical voices," dagdag pa nila.

Lumabas ang hatol na ito kasunod ng pagbawi ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa lisensya ng Rappler noong Hunyo 29.

Bago ang hatol na ito ng nasabing korte ay naunang ibinasura ni Manila RTC Branch 46 Judge Rainelda Estacio-Montesa ang motion for reconsideration na inihain noong Hunyo 2020 at nagbigay ng sentensya ng anim na taong pagkabilanggo kina Ressa at Santos.

Nag-ugat ang kasong cyber libel sa artikulong isinulat ni Santos noong Mayo 2012 na may kinalaman sa negosyanteng si Wilfredo Keng at late Chief Justice Renato Corona na humaharap noon sa isang impeachment trial..

Nakasaad sa nasabing artikulo na pagmamay-ari raw umano ni Keng ang ilan sa mga mamahaling sasakyang ginamit ni Corona.

Nailathala ang artikulo noong Mayo 2012, bago naisabatas ang Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act noong Setyembre ng parehong taon.

Sa kabila nito, kinonsidera pa rin ito bilang paglabag sa nasabing batas dahil sa pagtama ng isang typographical error sa nasabing artikulo noong Pebrero 2014.


Iniwasto ni Kim Arnie Gesmundo