Ni Akio Mananes

PHOTO: Blacklist International

Puti at itim ang magiging kulay ng coaching staff ng SIBOL MLBB International Esports Federation (IESF) sa darating na 14th World Esports Championship matapos rumatsada ang Blacklist International sa pagkopo ng 2-1 series victory kontra Maharlika Esports, Linggo ng gabi.
 
Babanderahan ng two-time MPL-PH champion coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza at ni content creator at Blacklist assistant coach Aniel “Master The Basics” Jiandani ang kampanya ng Pilipinas sa 14th WEC sa Bali Indonesia ngayong Disyembre.
 
Hindi nagtagal ang panlalamig ng M3 World Champions sa early game ng unang bakbakan matapos pangunahan ng Valentina ni Salic “Hadji” Imam ang kanilang pag-arangkada nang dominahin ang laro at hindi na muling nagpatinag.

Napalambot ng Blacklist ang solidong depensa ng amateur team matapos mabihag sa kanilang pekeng retreat sa 12:47 at walang habas na sinunggaban ni Edward “EDWARD” Dapadap ang backline ng Maharlika, daan upang tuluyang tuldukan ang unang laro.

Pinatunayan ng KDA machine Hadji ang kanyang tungkulin nang mapasakamay ang MVP ng unang bakbakan matapos magtala ng 9/0/5 na statline, 8/0/3 sa unang 10 minuto ng aksyon.

Mistulang naging pampagising ito sa nag-aalab na pagkauhaw ng amateurs nang ipamalas ni “ENAYEXXX” ang abilidad ng koponan sa pagpapalit ng roles — na siyang gumulat sa agresibong pambato ng Tier One — sa bisa ng Grock setup sa ika-anim na minuto, na sinundan ng sunud-sunod na crowd control skills upang kunin ang apat na kalaban at ang ekonomiya.

Subalit tila nakabisado agad ng world champions ang taktika ng Maharlika matapos ma-counter ang paglalapat ng skills sa bisa ng paghiwalay ng kanilang damage dealers sa Grock, na naging susi sa dalawang crucial teamfights sa 11:35 minuto.

Sa pagkatok ng 2-0 sweep sa kanilang pintuan, hindi pinapasok ng Maharlika ang nagbabadyang kasawian matapos i-spam ni “Yue” ang CC skills ng isang Xavier na nagpabagal sa push ng Blacklist, at nagsilbing hudyat sa rubber match nang kunin ang dalawang kills at maitabla ang serye.

Nabasag lamang ang katahimikan ng decider match nang magbato ang Blacklist ng malaking pasabog matapos palakihin ang Bruno ni Kiel “Kiel1” Soriano sa 9:20 marka na nagbigay daan sa world champions upang tuluyang maselyuhan ang kampeonato.

Samantala, sinelyuhan ng Blacklist at Maharlika Esports ang karapatan para makalahok sa PH Combine matapos baliktarin ng koponan ng Tier One ang laban kontra Euphoria Esports via reverse sweep, 2-1, habang pinatahimik ng Maharlika ang tropa ng ECHO Loud na binubuo nina Karl “KarlTzy” Nepomuceno, Tristan “YAWI” Cabrera at Benedict “Bennyqt” Gonzales, 2-0.


Iniwasto ni Irene Mae Castillo