Ni Lynxter Gybriel L. Leaño

Bilang tugon sa mabagal na pagproseso ng mga record ng mga persons deprived of liberty (PDLs) sa bawat kulungan sa bansa, iminungkahi nina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Interior Secretary Benhur Abalos Jr. na gawing digital ang mga tala nito upang mabilis na mailapat ang mga impormasyon hinggil sa sistema ng hustisya ng bansa.


Photo Courtesy of Philippine News Agency/Inquirer.net/DOJ/DILG


Paliwanag nila, magiging sagot ito sa patuloy na pagdami ng mga Pilipinong kasalukuyang nakakulong kung saan siksikan na sa mga rehas dahil sa kabagalang mabigyan ng piyansa at mapabilis ang paglilitis sa korte.

“In fact, I have asked the president to appoint… I gave him a name already. A[n] assistant secretary for digital infrastructure who will check everything within the DOJ family para mas maging efficient ang information na aming pinoprocess for all – from prosecution to correction,” giit ni Remulla sa naging press briefing nitong Hulyo 21.

Ayon sa datos ng Commission on Audit, mula sa 474 na mga kulungan sa bansa, 337 dito ang napatunayang nakakaranas ng siksikan sa mga bilanggo na kadalasang nagdudulot ng sakit sa mga PDLs.

Paliwanag pa nila, malaking ginhawa rin daw ito para sa Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Management (BJMP) dahil umabot na sa 330 at 387 porsiyento ang naitalang congestion rate na nagpapatunay sa lumalalang siksikan sa mga kulungan.

“Sa BuCor, we are pushing for [digitization]. To do it double time. It’s a new way of doing things that people have to get used to, but it’s the only that we can really make everything more visible online for the Board of Pardons and Paroles, and the Parole and Pardon Administration, mas marami talagang mapa-process. We’re pushing for this,” paliwanag ni Remulla sa magandang hatid ng pagtransisyon mula manual digital.

Gayunpaman, iiginiit naman ng DOJ secretary na kahit gustuhin man nila na gawing digital ang mga tala, maantala raw ito dahil hindi madali sa kanilang parte na mabilisang maitatala ang lahat ng mga datos ng nakakulong.

“Kasi hindi talaga {It’s not really}, digital is not a new thing, but for things that have been done for years as manual, siyempre hindi madaling pumasok sa (It’s not easy to introduce) change but we are imposing this already as a requirement,” pagdidiin ng kalihim.

Kahit may pagkaantala man, sinisiguro pa rin ng mga kalihim na maging digital ang mga tala dahil nagpapatupad na sila sa kanilang ahensya ng digitization na ngayon ay prayoridad na. 


Iwinasto ni Niko N. Rosales