FACT CHECK | Napagsama ng Ifugao LGU ang ayuda ng DSWD at Angat Buhay sa mga apektado ng pagbaha sa Banaue
By Lance Arevada
PHOTO: Angat Buhay/DSWD |
Kumakalat online ang mga retratong nagpapakita ng relief goods na ipinamahagi ng Angat Buhay NGO ni dating Bise Presidente Leni Robredo sa mga apektadong komunidad ng pagbaha at mudslide sa Banaue, Ifugao.
“Our partner, the Isabela-Quirino Development Council, was the first volunteer group to respond by handing out food packs and cooked meals to affected families… We thank our partners in the area for responding to Banaue's call for help,” saad ng NGO sa isang Facebook post.
Mula sa nasabing retrato, napansin ng mga netizen ang mga kahon na mayroong logo at marka ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Banat nila, tila inaangkin o nag-credit grab raw umano ang nasabing organisasyon sa pamamahagi ng mga ayuda gayong ang kanilang mga pinapamigay ay galing naman talaga sa pamahalaan
“Ang magnanakaw ng boto ngayon naman [ay] magnanakaw ng relief goods? Wow, walang pag-unlad itong kakampon na nagtatago sa Angat Buhay kuno na NGO,” batikos ng isang user.
Gayunpaman, mismong si DSWD Secretary Tulfo na ang naglinaw na walang pag-aangking nangyari sa pamamahagi.
Ayon sa kanyang Facebook post, napagsama lamang daw ng Ifugao LGU ang relief goods na mula sa pamahalaan at sa Angat Buhay. Giit pa niya, diretso ang pamimigay ng ahensya sa mga mamamayan dahil ilegal raw ang pagdaan nito sa mga NGO na katulad ng Angat Buhay.
“Hindi po namimigay ng mga food packs at iba pang relief items ang DSWD sa mga NGO para ipamigay sa mga tao dahil ito po ay labag sa batas. Derecho po ang aming mga tulong sa mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga LGUs,” ani Tulfo.
Giit pa ng DSWD secretary, “Base sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng aking tanggapan sa isang larawan na lumabas sa Inquirer.net, tila isinama daw ng lokal na pamahalaan ang donasyon ng Angat Buhay (nakasakay sa pick-up truck) sa mga food packs ng DSWD sa iisang warehouse ng LGU at kinunan ng litrato.”
Wala pang inilalabas na pahayag ang Angat Buhay tungkol sa viral na retrato.