Ni Jeremiah Daniel Regalario

PHOTO: Ted Albije/AFP/Getty Images 


Muling inihain sa Kongreso ang isang panukalang batas na kumikilala sa civil partnerships ng mga magkasintahang hindi kasal ano man ang kanilang kasarian, kung saan inaasahang mabibigyan ng pantay na karapatan at benepisyo ang mga same-sex at heterosexual couple sa ilalim ng batas.

Matapos hindi makalusot sa nakalipas na dalawang kongreso, isinulong muli ni Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera ang House Bill No. 1015 o ang Civil Partnership Act bilang bahagi ng kanyang mga pangunahing adbokasiya sa ika-19 na Kongreso.

“It is about time that the Philippine government grant couples — whether they are of the opposite or of the same sex — adequate legal instruments to recognize their partnerships, respecting their dignity and recognizing equality before the law,” pahayag ni Herrera.

Layunin ng batas na ito na kilalanin, maprotektahan, at magbigay ng karapatang sibil, benepisyo at responsibilidad sa mga magkasintahang hindi pinapayagang magpakasal noon.

Katulad ng batas sa pagpapakasal, kinakailangang nasa legal na edad o 18 taon o higit pa ang mga sasailalim sa civil partnership at walang anumang nilalabag na pampublikong polisiya gaya ng pagiging magkamag-anak o kaya'y kasalukuyang kasal sa iba.

“Ultimately, at the core of a civil partnership are fully consenting adults who, like many Filipinos, merely wish to love, care and support each other as they build a life together during their fleeting time here on Earth,” ani Herrera.

Nakapaloob din sa panukala na kinakailangang magpasa ng sworn application ang bawat indibidwal na sasailalim sa civil partnership bago mabigyan ng kontrata sa local civil registrar.

Kasabay ng inihain na mungkahi ay ang pagpapataw ng multang aabot sa P100,000 to P500,000 o pagkakakulong mula isa hanggang anim na taon para sa mga authorized registrar na magkakait na maglabas ng civil partnership contracts.

Saklaw rin sa multa ang sinumang hindi kikilalanin ang mga karapatan at benepisyo ng mga magkasintahang nasa civil partnership at ano pa mang uri ng diskriminasyong kaugnay nito.

Kahit pa matagal nang magkasintahan, hindi kinikilala ng batas ang pagpapakasal ng mga same-sex couples sa kadahilanang nakapaloob sa Family Code na ang pagpapakasal ay permanente lamang para sa pagsasama ng isang babae at lalaki.