By Basti M. Vertudez

PHOTO: Gigie Cruz/ABS-CBN News


“This is a challenge for Congress to defy the rising tyranny, to stand for freedom and democracy.”

‘Yan ang mariing hamon nina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas, at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel sa muli nilang inihain na panukala sa Kongreso upang hilinging pagkalooban muli ng prangkisa ang media giant na ABS-CBN Corporation.

Ang naturang pahayag ay nakapaloob sa explanatory note ng inilunsad na House Bill No. 1218 ng nabanggit na magkakasanggang grupo na bumubuo sa progresibong Makabayan Bloc.

Nilalayon ng panukalang inihain nitong ika-5 ng Hulyo na gawaran ang naturang media giant ng panibagong 25 na taon upang muling umere sa radyo at telebisyon matapos na mawalan ng bisa ang prangkisa nito noong 2020.

Matatandaang Mayo ng nasabing taon ay naghain ng “cease and desist” order ang National Telecommunications Commission (NTC) laban sa ABS-CBN dahilan upang tuluyang maipatigil ang pag-ere ng istasyon nito sa bansa.

Kamakailan lang, inamin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bago bumaba sa pwesto na ginamit niya ang kaniyang ‘kapangyarihan’ bilang pinakamataas na opisyal ng bansa upang ibasura ng Kongreso ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa panibagong prangkisa.


READ RELATED STORY: I used my power vs ABS-CBN, Duterte reveals


Tuluyang ipinasara ng mababang kapulungan ang operasyon ng istasyon sa free TV noong Hulyo 2020 sa kabila ng mga patunay na wala itong nilabag na batas.

Kinundena at inihalintulad ito ng Makabayan bloc sa tahasang pagpapatigil ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr. sa operasyon ng iba’t ibang media outlets noong panahon ng Martial Law.

"The shutdown of ABS-CBN due to a mere personal grudge by the Chief Executive [President Rodrigo Duterte] is evocative of the forced shutdown of radio and TV stations during the Marcos martial rule in 1972," pahayag sa parehong explanatory note.

“If the environment is such that media outlets are chuttered rather than allowed to be robust and independent, where truth is muted and turned off rather than broadcast, then our democratic spaces are shrinking indeed,” dagdag pa sa sulat na tumutuligsa sa aksyong ito na kinakitaan bilang atake sa malayang pamamahayag sa bansa.

Sa kasalukuyan, pinatatakbo ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) na pagmamay-ari ni dating Senador Manny Villar ang dalawang television frequencies na dating hawak ng ABS-CBN matapos itong ipagkaloob ng NTC nitong Enero.

Gayunpaman, sa kabila ng 11,000 na empleyado na nawalan ng trabaho dulot ng ABS-CBN shutdown, naibalik pa rin nito ang ilan sa kanilang mga palabas tulad ng TV Patrol sa telebisyon sa pamamagitan ng kasunduan sa Zoe Broadcasting Network o kilala ngayon bilang A2Z.


Iniwasto ni Lorraine Angel V. Indaya