PH niresbakan ang Indonesia, Bolden sumipa ng hat-trick
Ni Rodolfo Dacleson II
PHOTO: The Philippine Football Federation |
Bumangon mula sa 0-1 na pagkabaon ang Philippine Women’s National Football Team upang masigurado ang kanilang silya sa AFF Women’s Championship 2022 semifinals.
Nagrehistro ng hat-trick si Sarina Bolden habang ipinasok ni team captain Tahnai Annis ang panablang goal sa second half upang sibakin ang Indonesia sa kompetisyon, 4-1, Linggo ng gabi, sa Rizal Memorial Stadium.
Pinigilan ng Filipinas ang tangkang upset ng Garuda Pertiwi upang umangat sa 4-0-0 win-draw-loss marka at patatagin ang kapit sa liderato ng Group A tangan ang 12 puntos.
Samantala, nalasap naman ng Indonesia ang kanilang ikatlong pagkatalo, kalakip ang isang draw, upang tuluyang malaglag sa kompetisyon.
Naging agresibo ang Pilipinas sa pagbubukas ng first half matapos magpakawala ng iba’t ibang atake, ngunit nabigo silang makalusot kay Indonesian goalkeeper Prihatini.
Sinamantala ni forward Carla Bio Pattinasarany ang pagkakamali ni goalie Inna Palacios sa depensa, upang ibigay sa world number 95 ang 1-0 kalamangan sa ika-37 minuto — ang unang beses na naiskoran ng kanilang katunggali ang Filipinas sa apat na laro.
Matikas na second half ang inilatag ng Pilipinas upang mabaligtad ang takbo ng laro tungo sa pagsikwat ng kanilang ikaapat na dikit na panalo.
Sinimulan ni Annis ang pagresbak ng red shirts nang itabla ang laro sa ika-48 minuto mula sa cross pass ni Sofia Harrison.
Sinundan naman ito ni Bolden ng tatlong magkakasunod na goals.
Sa likod ng kanyang mahusay na dribbling, nahanap ni midfielder Sara Eggesvik si Bolden sa 58-minute mark upang mapasakamay ng SEA Games 2021 bronze medalist ang 2-1 abante.
Dinoble ng tubong Santa Clara, California ang bentahe ng Pilipinas, pitong minuto matapos ang kanyang unang goal, sa tulong ni Jaclyn Sawicki na nahanapan ng puwang ang depensa ng Indonesia.
Kinumpleto ng 26 taong gulang ang hat-trick sa ika-67 minuto nang maipasok ang kanyang tira mula sa rebound play kontra kay Prihatini.
Huling nakapagtala ng hat-trick si Bolden noong SEAG 2019 nang blangkuhin nila ang Malaysia, 5-0. Sa kasalukuyan, mayroon na siyang limang goal sa torneyo, katabla si Amy Sayer ng Australia.
Sa iba pang laro, giniba ng Thailand ang Malaysia, 4-0, bago ang napipinto nilang pagtutuos ng Pilipinas para sa unang puwesto ng Group A sa Martes, Hulyo 12, sa Rizal Memorial Stadium sa ganap na alas-siyete ng gabi.
Buhay pa rin ang tsansa ng Australia na makasampa sa semis nang gapiin ang Singapore, 4-1, ngunit nakasalalay na ang kanilang kapalaran sa magiging resulta ng bakbakang Filipinas at Thais.
Iniwasto ni Irene Mae Castillo