Pinoy lifter Prince Delos Santos, sinikwat ang pares ng bronze sa Men’s 49 kg
Ni Paul Lerrom V. Conducto
PHOTO: PAMSE |
Ipinakita ng Filipino weightlifter na si Prince Keil Delos Santos ang angking lakas matapos ibulsa ang dalawang tansong medalya sa 49-kg category sa naganap na Asian Youth and Junior Weightlifting Championships, Linggo ng gabi sa Tashkent, Uzbekistan.
Nagawang buhatin ni Delos Santos sa kaniyang 3rd attempt ang 83-kg sa snatch na nagpwesto sa kaniya sa ika-apat habang pinilit niyang bumawi sa clean and jerk nang iangat ang 103-kg para angkinin ang ikatlong pwesto.
Sa pagtatapos, nagresulta ang katatagan ng Pinoy Junior athlete sa 186 kg total score na naging sapat upang irehistro ang 3rd place overall ranking at sungkitin ang pares ng bronze medal.
Nanguna naman sa nasabing event ang Vietnamese na si Bui Minh Dao nang kunin ang gintong medalya sa clean and jerk (111 kg) at pumangalawa sa snatch (85 kg), kapantay si L. Dhanush ng India para itala ang total score na 196 kg.
Silver medalist naman ang kababayan ni Dao na si A Tieu matapos pamunuan ang snatch (91 kg) at ungusan lamang ng isang puntos si Delos Santos sa clean and jerk (104 kg) na nagbigay rito ng kabuuang score na 195 kg.
May iba pang mga atleta ang nakatakdang sumabak para ibandera ang Pilipinas sa Uzbekistan tournament na parte ng paghahanda para sa 2023 SEA Games at Asian Games.
Iniwasto ni Quian Vencel Galut