WHO: Sexual partners limitahan, para monkeypox maiwasan
Ni Roland Andam Jr.
Ngayong lumalaganap ang monkeypox outbreak sa maraming bansa na sanhi ng pagkakadeklara nito bilang global health emergency kamakailan, may payo ang World Health Organization (WHO) para makaiwas sa nasabing sakit — pansamantala munang limitahan ang bilang ng sexual partners.
Photo Courtesy by WHO / Dado Ruvic (Reuters) / YAHOO News |
Direkta itong inirekomenda ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus sa mga kalalakihang nakikipagtalik sa kaparehong kasarian, dahil ayon na rin sa isang pag-aaral ng New England Journal of Medicine, sila ang pinaka-tinatamaan ng monkeypox.
“For men who have sex with men, this includes, for the moment, reducing your number of sexual partners, reconsidering sex with new partners, and exchanging contact details with any new partners to enable follow-up if needed,” panghihimok ni Tedros.
Napag-alaman sa nabanggit na pag-aaral na mga kalalakihang ‘gay’ o ‘bisexual’ ang bumubuo sa 98 porsyento ng mga pasyenteng kinapitan ng monkeypox infection, at habang 95 porsyento naman sa mga kaso ang nahawa sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
Sa kabila nito, mariing nagbabala ang WHO laban sa stigma na iniuugnay sa sakit kung saan iniisip ng mga tao na tanging ang mga ‘gay’ o ‘bisexual' lamang ang maaring makakuha ng monkeypox.
Ipinaalala ng organisasyon na sinuman ay maaring mahawaan ng sakit sa pamamagitan ng regular skin-to-skin contact, gayundin ang droplets at pagkakadikit sa mga kontaminadong kagamitan tulad ng beddings at tuwalya ng mga kasama sa bahay.
“Anyone exposed can get monkeypox. Stigma and discrimination can be as dangerous as any virus, and can fuel the outbreak,” paliwanag pa ni Tedros.
Sa usapin pa rin ng panghihimok na magtakda ng limitasyon sa rami ng mga nakakatalik na indibidwal, iginiit ni Andy Seale ng WHO sexually transmitted infections programme na ito ay pansamantala o “short-term” lang naman.
Dahil ito sa umaasa silang hindi magtatagal at magiging “short-lived” lamang ang monkeypox outbreak.
Samantala, sa pangkabuuang talaan ng WHO, humigit-kumulang 18,000 katao mula sa nasa 78 bansa na ang nahawaan ng monkeypox — kung saan 75 porsyento ng mga kaso ay nanggagaling sa Europa at 25 porsyento naman mula sa Amerika.
Sa naturang bilang, lima na ang naiulat na pumanaw dahil sa sakit simula noong Mayo, samantalang 10 porsyento naman sa mga kaso ay kinailangang dalhin sa mga pagamutan upang malapatan ng kinakailangang atensyong medikal.