'NOT A HISTORICAL REVISIONISM': Imee Marcos, iginiit na ‘work of truth’ ang kanyang pelikulang ‘Maid in Malacañang’
Ni Lynxter Gybriel L. Leaño
Tahasang iginiit ni Senador Imee Marcos na totoo at batay sa kasaysayan ang mga naging eksena sa pelikulang “Maid in Malacañang” matapos batikusin ng mga netizen na tila iniba raw ng palabas ang kasaysayan ng Pilipinas sa mga huling araw ng rehimeng Marcos.
“Nasa mga manood ang paghuhusga kung work of art siya o kung hindi. Pero ang masasabi ko lamang para sa panig ko, it’s a work of truth. Hangga’t maari, lahat ay accurate at historically correct,” pahayag pa ng senador.
Hinikayat naman ng senadora ang publiko na panoorin muna ang palabas bago magbigay ng mga komento o humusga upang mapatunayang hindi ito “historical revisionism”.
“Bakit alam naman nila na revisionism na hindi pa napapanood? Wala pang nakapapanood eh kasi today palang ‘yung opening… Hindi ko nga maintindihan bakit alam na nila ‘yung nilalaman ng sine, wala pa silang nakikita,” hinaing pa ni Imee nitong Agosto 3.
Nagtataka rin umano siya kung bakit mayroon agad mga kritiko ang kumondena o bumatikos sa palabas kahit na hindi pa nila napapanood ang nilalaman ng “Maid in Malacañang.”
Bago pa inilabas ang pelikula, kwinestiyon na kaagad ng mga netizen ang maling paglalarawan sa mga eksenang ipinalabas sa teaser nito, kabilang ang paglalaro ng mah-jong ni dating Pangulong Cory Aquino kasama ang mga madre, pagdadala ng sulo ng mga Pilipinong sumugod sa Palasyo, at direktang pagpapatapon ni Aquino sa pamilyang Marcos matapos ang EDSA Revolution.
Kaugnay nito, unang ipinalabas ang teaser ng MIM kung saan makikita sa isang eksena na naglalaro ng mahjong si dating Pangulong Cory Aquino kasama ang isang grupo ng mga madre.
“Depicting the nuns as playing mahjong with Cory Aquino is malicious. It would suggest that while the fate of the country was in peril, we could afford to leisurely play games,” paliwanag ni Sr. Mary Melanie Costillas, prioress ng Carmelite Monastery ng Cebu na tanging mga nakasama ni Aquino noong kasagsagan ng EDSA Revolution.
Dagdag pa ng madre, walang kinatawan ng naturang pelikula ang personal na pumunta sa kanilang tanggapan upang tanungin ang tunay na pangyayari sa mga araw na nanatili roon si Aquino.
Tumatayo si Imee bilang creative producer at isa sa mga karakter sa pelikulang nagsasalaysay ng umano'y huling tatlong araw ng kanyang pamilya sa Malacañang noong 1986.
‘Libreng tiket sa MIM?’
Samantala, nadagdagan pa ang pambabatikos ng mga netizen nang malamang nagbigay umano si Senador Imee ng libreng tiket sa naturang palabas at kailangan ng ilang paaralan na panoorin ang “Maid in Malacañang.”
“Lahat ‘yan binibili kaya nga lang maraming sector na nag volunteer kaagad at humingi ng block screening. ‘Yun ‘yung mga pinamimigay na ticket,” tugon naman agad ng senador.
Nag-udyok ang paratang na ito matapos ibunyag ni Chinese-Filipino civic leader Teresita Ang-See sa di-umano'y pagpapautos ni Imee sa ilang business groups na bumili ng tiket ng palabas sa halagang milyong piso at ibigay sa mga piling paaralan nang libre.
Sa kasalukuyan, pinipilahan ng mga Pilipino ang “Maid in Malacañang” sa mahigit 200 na sinehan sa buong bansa kung saan ipinahayag ng ilang nakapanood na nakakaiyak ang naturang pelikula.
Iniwasto ni Niko N. Rosales