Baclaan, UST pumuwersa ng rubber match; Marinerong Pilipino naglayag patungong semis
Ni Girald Gaston
KEY 'YAN, SI KEAN!
Naging susi ang matinding opensa ni Kean Baclaan sa pagpapalawig ng kampanya ng No. 6 Builders Warehouse-UST, matapos siluin ang No. 3 Adalem Construction-St. Clare, 98-93, sa 2022 PBA D-League Aspirants' Cup quarterfinals sa Smart Araneta Coliseum, Biyernes.
Photo Courtesy of Manila Standard |
Sumandal ang Builders Warehouse sa solidong laro ng rookie na si Baclaan upang burahin ang twice-to-beat disadvantage at itakda ang sudden death game kontra Saints.
Bagaman bagito pa lamang, kumamada ang 5-foot-7 na guwardiya ng 35 points — 24 mula sa second half, samahan pa ng limang rebounds at tatlong assists upang mailista ang four-game winning streak para sa UST.
Pinangunahan ni Baclaan ang rally ng UST sa huling yugto nang palobohin ang ga-hiblang 81-80, abante sa 92-85 sa nalalabing 3:34 minuto, patungo sa kanilang panalo.
Rumesbak naman si Nic Cabañero ng 25 markers, habang umambag si Sherwin Conception ng double-double 18 puntos at 13 boards, sapat upang matulungan ang Builders Warehouse.
Naging tinik para sa UST ang kanilang dating guwardiya na si Joshua Fontanilla, matapos nitong magtala ng 23 puntos para sa St. Clare.
Magtatagpong muli ang dalawang koponan sa Miyerkules, upang matukoy kung sino ang makasasagupa ng Eco Oil-La Salle sa semifinals.
Sa unang laro, binawian ng Marinerong Pilipino ang kanilang kontrapelo na Centro Escolar University, 75-66, upang dumiretso sa semifinals gamit ang kanilang twice-to-beat advantage.
Galing sa 84-77 pagkatalo mula sa CEU nito lamang Lunes, nakahanap ng resbak ang Marinero nang magbalik-aksyon ang dating national team member na si Juan Gomez De Liaño sa quarterfinals.
Pinunong muli ni Gomez De Liaño ang stat sheet buhat ng 17 puntos, eight assists at seven rebounds sa kaniyang pagbabalik matapos mawala sa huling laro ng Marinerong Pilipino sa eliminations.
Hindi rin nagkulang sa suporta ang dating Fighting Maroons nang mag-ambag ng 17 puntos si Jollo Go, 13 markers mula kay Arvin Gamboa, at 12 points at 10 boards para kay Adrian Nocum sa kanilang pagpalaot.
Bumaba ang abante ng Marinero sa siyam, 65-56, ngunit agad itong naapula ng mga manlalayag matapos ang pick-and-pop action nina Gomez De Liaño at stretch big na si Gamboa, 68-56, 3:03 na lamang ang natira.
Umasa ang CEU sa pinagsamang 23 puntos nina Jhomel Ancheta at Lenard Santiago, ngunit hindi ito sapat upang kanilang mapwersa ang sudden death kontra sa star-studded na Marinero.
Makakalaban ng Marinenong Pilipino ang No.1 seed Apex Fuel-San Sebastian sa best-of-three semis, at hindi magpapadehado ang bataan ni Coach Yong Garcia, nang matalo na nito ang Stags sa kanilang unang pagtatagpo sa elimination round.
Iniwasto ni Irene Mae Castillo