Kaso ng COVID-19 sa Senado patuloy na tumataas, mas mahigpit na protocols ipinatupad
Ni Jeremiah Daniel Regalario
Inanunsyo ni Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Miyerkules, Agosto 10, na hindi muna tatanggap ng mga bisita na hindi sumailalim sa itinalagang tatlong linggong quarantine sa Senado kasabay ng mahigpit na pagpapatupad na mga protocol dulot ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Senator Juan Miguel Zubiri/Asian Development Rank |
Paliwanag ni Zubiri sa plenary session ng Senado, ang nasabing paghihigpit sa health and safety protocols ay napagpasyahan matapos magpositibo sa COVID-19 ang tatlo sa mga senador at ilan pang mga personnel.
Sa nakalipas na linggo, napaulat na nagpositibo sa COVID-19 si Senador Alan Peter Cayetano na sinundan nina Senadora Imee Marcos at Cynthia Villar.
Dagdag pa ng senate president, magkakaroon ng tatlong linggong lockdown sa mga bisita simula Lunes, Agosyo 15, at lilimitahan lamang sa dalawang tao sa bawat organisasyon ang papayagang pumasok.
"We beg the indulgence of the general public. It's just kung hindi po natamaan ang mga senador, masama dito, e, sunod-sunod po ang pagtama sa ating mga kasamahan sa Senado and we just want to be safe. We have members with comorbidities, staff with comorbidities," pahayag ni Zubiri.
Kabilang rin sa mga dagdag na tuntunin para sa mga papasok ng Senado ay ang pagsumite ng negative na RT-PCR o antigen test result mula sa isang DOH-accredited na pasilidad at ang hindi lalagpas sa limang tao na pagsakay sa mga elevator.
Iwinasto ni Audrei Jeremy Mendador